TSEKE NA MAY LUMANG DISENYO HANGGANG ABRIL 30 NA LANG

SIMULA sa Mayo 1 ay ipatutupad ng Philippine banks ang bagong format para sa mga tseke, ayon sa Philippine Clearing House Corporation.

“Simula May 1 ang mga bangko ay hindi na tatanggap ng old format checks,”  pahayag ni Philippine Clearing House Corporation president Emmanuel Barcena sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo.

Aniya, sa ilalim ng lumang disenyo ay walang standard format para sa petsa sa tseke, kung kaya ang ilan ay isinusulat ang petsa sa salita, ang ilan ay may  month-date-year o date-month-year bilang format.

Sa ilalim ng bagong Philippine standard, ang lahat ng tseke ay may mga kahon para sa petsa: buwan, petsa at taon, na katulad sa standard na ginagamit sa Philippine passports.

Hindi na rin kailangang ilagay ang peso sign sa halaga sa figures dahil ilalagay ito sa labas ng kahon.

“Optical character recognition allows machines to capture all necessary data on bank checks,” ayon kay Barcena.

Hinikayat niya ang checkbook owners na may lumang format na magpalit na ng may bagong disenyo.

Ang mga tseke na may lumang disenyo ay maaari aniyang gamitin, subalit sa over-the-counter transactions na lamang sa issuing bank, at hindi via clearing house.

Para sa mga nagsumite ng post-dated checks, kailangang isumite ang mga ito sa issuing bank para matatakan bilang  “warehouse check.”

“Ibig sabihin nun, kailangan po ang bangko po ang magtago nun kasi tatatakan po nila ‘yun at kapag nakita nang ibang bangko ‘yun na may warehouse, tatanggapin pa rin nila ‘yun,” sabi pa ni Barcena.

Ang bagong check formats ay unang inaprubahan noong 2019 na may implementation date na 2022. Gayunman ay naurong ang implementasyon nito ng dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic.