SAMAR-NAPUTULAN ng braso ang isang barangay chairman at nasa kritikal na kondisyon naman ang dalawang kasama nito nang masabugan ng dinamita habang nangingisda sa dagat sakop ng Zumarraga sa nasabing lalawigan.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame mula Eastern Visayas PNP, kinilala ang biktima na si Chairman Elino Sobrino, 58-anyos ng Brgy. Maputi.
Bukod sa Kapitan sugatan din sa pagsabog ang kasama nitong si Fernan Hinundayan, 24-anyos at isang lalaking menor de edad na nakasakay sa fishing vessel sa Brgy. Tinaogan nang maganap ang sakuna.
Sa inisyal na imbestigasyon, ihahagis na sana ng biktima ang hawak na dinamita sa dagat pero agad na sumabog ito bago pa maitapon.
Ayon sa Police Regional Office 8, naputol ang mga braso ng naturang Kapitan bukod pa sa nasugatan ang buong mukha at katawan nito na dinala sa Eastern
Visayas Medical Center sa Tacloban City.
Samantalang sina Hinundayan at ang menor de edad ay isinugod sa Samar Provincial Hospital sa Catbalogan City.
Nabatid na nangingisda ang mga biktima gamit ang likos o fishing net pero gumagamit din sila ng dinamita na tahasang ipinagbabawal ng BFAR. VERLIN RUIZ