TSERMAN, 8 PA TIKLO SA ILLEGAL LOGGING

ISABELA- PATONG-patong na kasong illegal logging ang haharapin ng 54-anyos na barangay chairman at walong iba pa makaraang maaktuhan ng mga operatiba ng pulisya na ikinakarga sa trak ang 2k board feet na troso na nasa gilid ng Pinacanauan River sa Barangay Cataguing, bayan ng San Mariano sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.

Isinailalim sa tactical interrogation at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 3701, PD 330 at PD 54 ang mga suspect na sina Barangay Chairman Harley Deolazo, Helbert Martinez, 30-anyos; Donald Cachuela, 37-anyos; Jeffrey Deray, 31-anyos; Michael Bacani, Jomari Palattao, 29-anyos; Jerold Malsi, 34-anyos; Jerrymi Malsi, 29-anyos at si Jackson Malsi na pawang nakatira sa nasabing barangay.

Base sa police report na nakàrating kay Cagayan Valley police director Brig. Gen. Crizaldo Nieves, lumilitaw na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa illegal operation ng mga suspect sa gilid ng ilog.

Gayunpaman, kaagad na tinungon ng mga operatiba ang nasabing lugar upang beripikahin ang impormasyon kung saan naaktuhan ang mga suspect na ikinakarga ang mga putol putol na troso sa trak na may plakang BCJ 617 na sinasabing pag-aari ni Deolazo.
Agad na inaresto ang mga suspek habang ang trak na kargado ng mga troso ay dinala sa himpilan ng pulisya para gamiting ebidensiya sa isasampang kasong illegal logging. MHAR BASCO

Comments are closed.