TSERMAN, ASAWA PATAY SA PANANAMBANG

MAGUINDANAO DEL NORTE- HINDI na nagawa pang maisalba ng mga doktor ang buhay nang isang chairman ng barangay at asawa nito matapos na pagbabarilin ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihan sa lalawigang ito.

Ang mga biktima na binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ay nakilalang sina Abubacar Abdul, Barangay Chairman ng Barangay Polloc, Parang, Maguindanao Del Norte at ang asawa nito na si Baisa Abdul.

Ayon kay Parang Chief of Police Major Christopher Cabugwang, sakay ang mga biktima ng isang kulay puting Toyota pickup na minamaneho ni Kapitan Abdul sa bahagi ng Sitio Timbangan Brgy. Sarmiento sa bayan ng Parang nang biglang tambangan ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihan gamit ang kalibre.45 na pistola.

Agad na pinaulanan ng sunod-sunod na putok ang pag-asawa na naging dahilan upang sumadsad sa gilid nang national highway ang pickup matapos magtamo ng tama ng bala sa ibat ibang parte ng katawan ang mga ito.

Matapos ang nasabing pamamaril ay agad na tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo nang matunugan ang padating na mga magrerespondeng sundalo at pulis.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad at pagkalap ng mga impormasyon na maaaring maka­tulong sa paglutas sa nasabing insidente. EVELYN GARCIA