TSERMAN, ASAWA UTAS SA RIDING IN TANDEM

ILOILO – IDINEKLARANG dead on ar­rival sa pagamutan ang barangay chairman at asawa nito matapos na pagbabarilin ng mga hindi nakilalang mga suspek sa lalawigang ito nitong Huwebes ng umaga.

Batay sa ulat, kinilala ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga nasawi na sina Michelle Lamela, barangay chairman ng Barangay Sto. Niño sa bayan ng Dueñas at asawang si Rodney.

Pinagbabaril ng riding in tandem ang mag-asawa na sakay din ng motorsiklo bandang alas-9:40 ng umaga sa Barangay Tinucuan na halos tatlong kilometro ang layo mula sa Dueñas town proper.

Dinala ang mga biktima sa Passi City Hospital subalit idineklarang dead on arrival matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Hanggang sa kasalukutan ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis sa naturang insidente at kasabay ng nagsagawa ng manhunt laban sa mga suspek.

EVELYN GARCIA