ABRA- ISA na namang insidente ng pamamaril ang naganap kung saan napatay ang Barangay chairman sa bayan ng Bangued ng lalawigang ito kamakalawa ng umaga.
Napuruhan sa ulo ang biktimang si Chairman Jason Bergonia Garcia ng Brgy. Lingtan sa nabanggit na bayan kung saan naisugod pa sa Abra Provincial Hospital subalit namatay din habang ginagamot.
Sa ulat ng pulisya, nagmamaneho ng mini- truck ang biktima sa kahabaan ng kalsada sa nasabing barangay nang harangin ng armadong lalaki at pinutukan sa ulo ng dalawang beses bandang alas-6 ng umaga.
Sumampa ang trak ng biktima sa isang bahay sa gilid ng kalsada at wala naman napaulat na nasugatan kahit ang kasama nito sa loob ng sasakyan ay hindi idinamay.
Kaya’t palaisipan sa pulisya ang naganap na pamamaril dahil ang target lamang ng mga ito ang pinuntirya.
Naalarma ang provincial government sa naganap na dalawang magkasunod na pamamaril kung saan pinamamadali sa pamunuan ng pulisya na resolbahin ito. MHAR BASCO
Comments are closed.