TSERMAN BULAGTA, 3 SUGATAN SA PAMAMARIL

NORTH COTABATO – BULAGTA ang 43-anyos na barangay chairman habang sugatan naman ang tatlo nitong kasama makaraang ratratin ng hindi pa kilalang gunman sa harap ng barangay hall sa Sitio Lumayong, Barangay Kayaga sa bayan ng Kabacan ng lalawigang ito noong Linggo ng gabi.

Hindi umabot ng buhay sa pagamutan si Chairman Bong Matalam Bacana ng Barangay Kayaga, habang sugatang naisugod sa pagamutan sa Kidapawan City sina Uwaw Matikayan, Tatuan Kalantingan at Tagani Tapulid na pawang residente ng nasabing barangay.

Sa police report na nakarating kay P/ Major Realan Mamon, hepe ng Kabacan-PNP, nag-uusap ang mga biktima sa harap ng barangay hall nang lapitan at pagbabarilin ng gunman dakong alas-9:15 ng gabi.

Sinisilip ng pulisya ang anggulong personal grudge at negosyong quarry bilang motibo sa krimen.

Base sa tala ng pulisya, dalawang kabesa de barangay na ang pinaslang sa nasabing bayan kung saan noong Setyembre 14, ay pinagbabaril at napatay si Chairman Ben Candaganan ng Barangay Lower Paatan. MHAR BASCO