(Tserman ‘di nagbigay ng listahan) 34 BRGY SA MAYNILA NGANGA SA AYUDA

MAYROONG 34 na mga barangay sa Maynila ang hindi nagbigay ng listahan ng mga tatanggap ng ayuda mula sa national go­vernment’s financial assistance kung kaya’t wala silang natanggap na special amelioration program (SAP).

Ito ang nalulungkot na ibinunyag ni Mayor Isko Moreno na nagsabing may mga barangay chairman ang walang malasakit sa kanilang nasasakupan kasabay ng pasasalamat niya rin sa ibang punong barangay na gumawa at nagsumite ng listahan para sa kapakanan ng kanilang mga ka-barangay.

Ayon kay Moreno, ang Manila department of social welfare ay nag-o-overtime para lang maipamahagi ang SAP sa mas maraming recipients sa mabilis na oras.

Nabatid na may 380,000 pamilya ang kinilala na tatanggap ng P4,000 SAP bawat isa, base sa listahan na binigay ng mga barangay chairman alinsunod sa kautusan ng pamahalaang lungsod.

Ang listahan ng mga nakatanggap na ng SAP ay naka-post sa social media ng alkalde para magkaroon ng transpa­rency.

Pinili ni Moreno na cash ang ipamigay sa mga residente ng Maynila sa halip na in kind dahil nagbibigay na ang lungsod ng monthly food assistance sa ilalim ng food assistance program.

Ang mga food boxes na ipinamimigay ay naglalaman ng rice, canned goods at kape ay buwanang hinahatid sa bawat pamilya sa Maynila.

“May mga barangay na zero sa SAP dahil never tinulungan ng ka-barangay na ilista sila sa DSWD. Lahat tayo me pananagutan sa tao… me araw ng paghuhukom,” diin ni Moreno.

Ipinaliwanag pa na ang listahang ginagamit sa distribusyon ng SAP ay binubuo ng listahan ng first tranche at second tranche, waitlisted na inaprubahan ng DSWD at ang 4Ps na mula rin sa nasabing ahensiya.

Sa mga barangay na hindi nagbigay ng kahit na anong listahan ng recipients para sa SAP, 20 barangays ang mula sa ika-5 distrito at Baseco, 9 ang mula sa ika-3 distrito at 5 sa ika-4 na distrito.

Napag-alaman na mayroong 896 na barangay sa Maynila. VERLIN RUIZ

Comments are closed.