CAGAYAN – BLANGKO pa rin ang pulisya sa motibo at pagkakakilanlan ng dalawang salarin na bumaril sa isang barangay chairman sa bayan ng Tuao.
Kinilala ni P/Maj. Raymund Asistores, hepe ng Tuao Police Station, ang biktima na si Remegio Dela Cruz, 60-anyos, chairman ng Barangay Bugnay.
Sa imbestigasyon ng PNP-Tuao, lulan ng kanyang sasakyan si Dela Cruz at papunta sana sa isang pulong sa Tuao West dakong alas-7:30 ng umaga noong Biyernes.
Hindi pa umano nakalalayo ang biktima sa kanilang bahay nang sabayan ng dalawang salarin lulan ng isang kulay pulang motorsiklo at malapitang pinagbabaril gamit ang kalibre 45, na siyang ikinamatay nito dahil sa tama ng bala ng baril sa kanyang batok.
Narekober sa crime scene ang limang basyo ng bala ng cal.45 pistol at tatlong slug nito habang patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya. IRENE GONZALES