TSERMAN LIGTAS SA AMBUS

LAGUNA – MAPALAD na nakaligtas mula sa tatlong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang Incumbent Brgy. Chairman ng Dita sa lungsod ng Sta. Rosa matapos tambangan at pagbabarilin ng riding in tandem criminals sa bahagi ng Entrance Ark ng Mariquita Pueblo, lugar na ito kamakalawa ng umaga.

Kinilala ni PLt. Col. Eugene Orate, hepe ng pulisya, ang biktimang si Brgy. Chairman Godofredo Dela Zarte Dela Rosa, ng #1859, Purok 4, Brgy Dita, lungsod na ito.

Sa imbestigasyon, bandang alas-9:10 ng umaga nang maganap ang natu­rang insidente habang aktong lulan sa kanyang minamanehong kulay itim na kotse na walang plaka ang biktima nang harangin at malapitang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek na pawang nakasuot ng kulay itim na t-shirt at gray na sombrero bago mabilisang nagsitakas patungo sa hindi pa mabatid na lugar.

Makaraan nito, agarang isinugod ng mga residente sa St. James Hospital ang biktima matapos magtamo ng tama ng bala sa kanyang kanang dibdib, kaliwang braso at binti mula sa kalibre .45 baril na ginamit ng mga suspek kung saan nasa mabuti ng kalagayan.

Kaugnay nito, patuloy na inaalam ng pulisya ang posibleng motibo sa naganap na pananambang kabilang ang pagkakakilanlan sa tumakas na mga suspek. DICK GARAY

2 thoughts on “TSERMAN LIGTAS SA AMBUS”

Comments are closed.