TSERMAN NAGHAIN NG COC BINARIL

ALBAY- PATAY ang isang incumbent barangay chairman nang barilin ng dalawang hindi nakilalang salarin sa harapan ng kanyang bahay matapos itong mag-file ng COC sa bayan ng Libon, Lunes ng hapon sa nasabing lalawigan.

Kinilala ang biktima na si Alex Enriquez Repato, 51-anyos at residente ng Barangay San Jose, Libon sa Albay.

Base sa report na ipinadala kay Lt Gen Rhoderick Armamento, commander ng Area Police Command – Southern Luzon (APC-SL) na nakabase sa Lucena City, Quezon na kadarating lamang ng biktima sa kanyang bahay galing sa pagpa-file ng COC sa Comelec office nang barilin ito ng dalawang lalaki dakong ala- 5:20 ng hapon.

Ayon kay Armamento, inabangan na ito ng mga suspek at nang dumating ay saka binaril na nagtamo ng mga tama sa ibat-ibang bahagi ng katawan na agad nitong ikinasawi.

Mabilis tumakas ang dalawang salarin at inalarma naman ng Libon PNP ang mga himpilan ng pulisya sa katabing bayan para masabat ang mga suspek.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon at inaalam ang pagkakakilanlan sa mga tumakas na suspek at tinitingnan din ng pulisya kung may kinalaman sa pulitika ang motibo sa krimen.

Ito ang kauna unahang Brgy official na napaulat na pinaslang sa unang araw ng paghahain ng COC ng mga kakandidato sa BSKE sa lalawigan ng Albay.

Samantala noon lamang nakaraang linggo ay isang barangay kagawad naman at ang asawa nito ang pinaslang sa bayan din ng Libon, Albay ng hindi pa rin nakikilalang mga salarin. BONG RIVERA