TSERMAN TINAMBANGAN NG RIDING-IN-TANDEM

SUGATAN ang isang barangay captain matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek na sakay ng motorsiklo nitong Sabado ng umaga sa Malabon City.

Ayon kay kay Malabon police chief Col. Albert Barot, inoobserbahan sa MCU hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa tiyan at kaliwang bahagi ng katawan ang biktimang si Felimon Villanueva, 68-anyos, Barangay Chairman ng Tonsuya.

Sa inisyal na ulat nina police investigators SSg Michael Oben at Cpl Renz Baniqued, bandang alas- 9:35 ng umaga nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ng biktima sa No. 1 C. Perez Street., Barangay Tonsuya, Malabon City,

Lumabas sa imbestigasyon, nakaupo ang biktima sa harap ng kanilang bahay nang biglang lapitan ng isa sa mga suspek na armado ng hindi mabatid na kalibre ng baril at ilang beses na pinaputukan sa katawan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang gunman sakay ng isang Honda Click na minaneho ng kanyang kasabwat patungong E. Roque St. Brgy. Tonsuya habang isinugod naman ang biktima sa hospital ng ilang residente sa lugar.

Agad na ipinag-utos ni Col. Barot sa kanyang mga tauhan ang hot pursuit operation laban sa mga suspek habang inaalam pa ng pulisya ang tunay na motibo sa pamamaril sa biktima.
VICK TANES/EVELYN GARCIA