BATANGAS- DEAD on arrival sa pagamutan ang isang Barangay chairman matapos pagbabarilin kahapon ng madaling araw sa harap mismo ng kanyang tindahan sa Barangay San Carlos, Lipa City sa lalawigang ito.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Chairman Vivencio Palo, 56-anyos, may- asawa at kasalukuyang namumuno ng naturang Barangay.
Ayon sa ulat ng Lipa city police station kay BGen. Jose Melencio Nartatez Jr, Calabarzon police director, dakong alas- 5.20 ng madaling araw nang dumating si Palo sakay ng kaniyang pick- up truck na may kargang grocery items at mga gulay para sa tindahan nito.
Habang nagbababa umano ng paninda ang biktima ay dumating ang isang kotse na walang plaka at may mga sakay na ilang armadong lalaki.
Ayon sa pahayag ng helper ng tindahan, nagdahan- dahan umano ang takbo ng kotse at nang mapatapat sa kinatatayuan ng biktima ay sunod-sunod itong pinaputukan ng isa sa sakay ng kotse.
Matapos ang pamamaril, mabilis pinasibad ng driver ang kotse patungo sa direksiyon ng Maynila.
Agad naman isinugod sa Lipa City Medical Hospital si Palo subalit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.
Masusi naman iniimbestigahan ng Lipa city police station ang naturang krimen at inaalam pa kung sino ang mga salarin.
Ayon sa pamilya ni Palo, nakatakda umanong tumakbo muli sa kanyang ika- tatlong termino ang nasawing Kapitan. ARMAN CAMBE