TSERMAN TODAS SA PAMAMARIL

MAGUINDANAO DEL SUR- HINDI na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang kapitan ng barangay makaraang tadtarin ng bala ng mga hindi nakilalang salarin.

Ang biktima ay nakilalang si Hadji Basit Zangkala, 57-anyos, may asawa at kasalukuyang Barangay Chairman sa Lapu-Lapu 2 Datu Hoffer, Maguindanao Del Sur.

Batay sa pahayag ni Shariff Aguak Chief of Police Major Haron Macabanding, kasalukuyang hinihintay ng biktima ang kanyang asawa sa bahagi ng Brgy. Mother Poblacion, Shariff Aguak sa nabanggit na lalawigan nang lapitan ito ng mga hindi nakilalang suspek at bigla na lamang itong pinagbabaril ang biktima gamit ang kalibre .45 na pistola.

Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang mga suspek lulan ng isang motorsiklo patungo sa direksyon ng bayan ng Datu Hoffer.

Habang ang biktima ay agad namang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan subalit hindi na ito umabot pa ng buhay sa pagamutan dahilan sa pitong tinamong tama ng bala ng baril sa katawan na siyang naging dahilan ng agarang pagkamatay nito.

Samantala, patuloy naman ang isinasagawang pag sisiyasat ng mga awtoridad hinggil sa naganap na insidente ng pamamaril upang tukuyin kung sino ang responsable sa naturang pamamaril at ano ang motibo ng mga ito.
EVELYN GARCIA