TSERMAN TUMBA SA RIDING-IN-TANDEM

PATAY ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin ng dalawa sa apat na hindi kilalang mga suspek sa likod ng kanyang bahay sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Dead on arrival sa Manila Central Univesity (MCU) hospital sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Anthony Velasquez, 41-anyos ng Barangay Chairman ng Brgy. Hulong Duhat.

Mariin namang kinondena ng mga samahan ng mga Barangay Chairman sa Malabon ang pagpatay kay Velasquez kasabay ng panawagan sa pulisya na ipatupad ang buong puwersa ng batas para sa agarang pagkakaaresto sa mga suspek.

Sa report nina police investigators PSSg Jose Romeo Germinal at PCpl Michael Oben, dakong alas-3:50 ng hapon nang maganap ang insidente sa likod ng bahay ng biktima sa No. 3 Florante St. Brgy. Hulong Duhat.

Lumabas sa imbestigasyon na abala sa paglilinis ang biktima sa likod ng kanyang bahay nang pumasok ang dalawang hindi kilalang gunman sa likod na gate at walang sabi-sabing pinagbabaril si Velasquez.

Matapos ang insidente, naglakad lamang ang mga suspek patungo sa kanilang kasama na nagmamaneho ng kanilang gateway motorcycle bago nagsitakas sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima ng kanyang pamilya sa pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Kaagad namang nagsagawa ng dragnet operation ang mga tauhan ng SS7 sa pangunguna ni PLT Edgardo Magnaye pero nabigo sila na mahuli ang mga suspek habang narekober sa crime scene ng 11 basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na uri ng baril.

Ipinag-utos na ni Col. Rejano sa kanyang mga tauhan ang masusing imbestigasyon sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto ng mga salarin.

Napag-alaman ng pulisya na dati na umanong nadawit ang pangalan ng biktima sa narco-list subalit nilinis niya ito sa PDEA dahil paninira lamang umano ito sa kanya ng kalaban sa pulitika.

Naging aktibo rin ang biktima sa paglaban sa ilegal na droga at marami itong napahuli sa kanyang barangay na may kinalaman sa droga hanggang sa makatanggap siya ng pagbabanta sa kanyang buhay na isa sa mga tinitignan ngayon ng pulisya na posibleng motibo sa insidente. VICK TANES

Comments are closed.