TSERMAN TUMBA SA RIDING IN TANDEM

LAGUNA – INAMBUS at napatay ng apat na riding in tandem suspects ang 54-anyos na Barangay Chairman sa Bgy. Tranca, bayan ng Bay kahapon ng umaga.

Sa inisyal na ulat ni Laguna PNP Public Information Officer (PIO) PLt. Col. Chitadel Gaoiran, nakilala ang biktimang si Arnold Martinez, residente ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon, sinasabing bandang alas- 9:20 ng umaga kahapon nang maganap ang nasabing insidente habang naglalakad ang biktima sa bahagi ng Bitin-Sto.Tomas Road nang biglang sumulpot ang mga suspek lulan sa dalawang motorsiklo na kulay asul at itim na walang sabi-sabi ay niratrat ang Tserman.

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo ng Sto. Tomas Batangas matapos ang pamamaril habang ang biktima ay naiwan nakabulagta sa gilid ng kalsada.

Isinugod ng mga residente ang biktima sa ospital na binawian nang buhay habang ginagamit bunsod ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan mula sa hindi pa mabatid na kalibre na baril na ginamit ng mga suspek.

Kaugnay nito, patuloy na nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya sa kaso para matukoy ng mga ito ang pagkakakilanlan sa mga suspek at posibleng motibo sa krimen. DICK GARAY

Comments are closed.