(ni CYRILL QUILO)
TSINELAS ay isang saplot sa paa na madaling gamitin. Tag-ulan man o tag-araw. Maaari nating gamitin sa baha kung umuulan. Gamit naman sa beach kung tag-araw. Sari-saring disenyo. Sari-saring klase at higit sa lahat, komportable sa paa.
May plastic, goma o gawa sa native abaka. Kung minsan ay puwede ring gawa sa water lily ang tsinelas. Napakaraming gamit. Nakare-relax ng paa kapag ito ang ating suot.
Ang iba sa atin ay inaayawan ang pagsusuot ng sapatos dahil sa hindi sila komportable. Lalo na kung mahaba ang lalakarin. Mainit nga naman sa paa ang sapatos lalo na kung hindi maganda ang napili o nabili.
Napaka-simple nating mga Pinoy. Walang kaarte-arte. Kaya naman, naging patok na negosyo sa ating bansa ang pagtitinda ng tsinelas.
Sa Laguna, kilala ang Liliw bilang lugar kung saan may pagawaan at ang murang bilihan ng tsinelas na gawa sa “coconut bark”.
FOOTWEAR CAPITAL
Taong 1571 nang madiskubre ni Gat. Tayaw ang isang maliit na lugar sa ilalim ng Bundok Banahaw na may layong 17 kilometro sa kapitolyo ng Sta. Cruz, Laguna.
Ang pangalang “Liliw” ay hango sa isang ibon na kumakanta ng “Liw, liw, liw”. Taong 1965 ng Hunyo nang ideklara bilang lihitimong pangalan.
Nagsimula naman ang pagdiriwang ng “Tsinelas Festival” taong 2000. Ginaganap ito tuwing huling linggo ng buwan ng Abril. Layunin ng pagdiriwang na ito ang pagpapalakas ng turismo sa lugar at maging sa agrikultura.
Itinuturing din na “Footwear Capital” ng Laguna ang Liliw dahil sa matibay at magandang kalidad ng mga tsinelas at sapatos na ginagawa sa lugar. Bawat produktong kanilang ginagawa ay masinop ang pagkakalikha na naaayon sa panahon.
Tsinelas din ang produktong nagpakilala sa bayan ng Liliw. Ito rin ang pangunahing ikinabubuhay ng mga nakatira sa lugar. Patuloy rin sa pag-unlad ang industriya ng tsinelas dahil sa walang sawang pagtangkilik ng mga mamimili—turista man o mga kababayan natin.
LILIW GAT TAYAW TSINELAS FESTIVAL
Ginaganap taon-taon ang “Liliw Gat Tayaw Tsinelas Festival” at ika-18 na taon na ito ngayon.
Ang nasabing pagtitipon ay nagsisimula mula Abril 23 at nagtatapos naman ng Abril 29.
Gaya ng ibang pagtitipon o pagdiriwang, hitik na hitik sa pakulo at patimpalak ang nasabing okasyon. Maraming puwedeng pagpilian ang mga kalahok gaya na lang ng Car show, Dog Show, Cooking Contest, parada ng ibong nakamaskot, katutubong palaro, Gabi ng Harana, pagpipinta sa tsinelas at higit sa lahat ang “Gawad Parangal”.
Ang “Gawad Parangal” ay ibinibigay sa natatanging mamamayan ng Liliw.
URARO O ARARO
Lingid sa kaalaman ng marami, mayroon ding ipinagmamalaking pagkain ang Liliw, Laguna, ito ang pagkaing kilala sa tawag na “Uraro o Araro”. Isa itong biskuwit na produkto ng nasabing lugar.
Gawa ito sa root crop na uraro na niluto, pinatuyo at ginawang pulbos o parang harina. Ilan sa mga sangkap na isinasama sa paggawa nito ay ang itlog at mantikilya at saka ibe-bake o ihuhurno.
Lasang gatas at malinamnam ang Uraro na siya ring dinarayo rito sa lugar.
Bukod sa mga pagkain, masisilayan din sa Liliw ang mga Natural Cold Water Spring na talagang patok puntahan ng mga turista hindi lamang kapag tag-init, kundi sa kahit na anong panahon.
Hindi nga lang naman swak dayuhan dahil sa magagandang pasyalan ang bayan ng Liliw, kundi pati sa mga panindang tsinelas na matibay at de kalidad.
Comments are closed.