PINASALAMATAN ni Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry President Henry Lim Bon Liong si Pangulong Rodrigo Duterte sa pahayag nito sa publiko na itigil na ang paninisi o xenophobic attack sa mga Chinese nationals sa pagkalat ng novel coronavirus o 2019 nCoV.
Ayon kay Lim, patuloy na sinusuportahan ng kanilang hanay si Pangulong Duterte at ang gobyerno dahil sa pagsisikap na masawata ang pagkalat ng nCoV.
Positibo rin ang mga negosyanteng Tsinoy na lalago pa ang ekonomiya ng bansa at patuloy silang magi-invest sa Filipinas.
Hinimok din ng mga negosyante ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga pekeng balita, hate speech, unverified information at racist defamation na nagdudulot ng kalituhan at takot.
Sa halip din aniyang batikusin ang China at ang mamamayan nito ay dapat na purihin ang pagiging transparent ng nasabing bansa at ang kanilang political will at pagsasakripisyo sa pagpapatupad ng lockdown sa Wuhan City at kanilang mga kapitbahay na sangkot ang milyong katao.
“We at the FFCCCII want the best medical care for all people in the Philippines, because we strongly believe that public health is the foundation of a nation’s wealth and economic productivity. A healthy nation creates economic prosperity,” ang pahayag pa ni Lim. SCA