TSUPER NA TULAK, TUMBA SA PARAK; 18 PA NAARESTO

tsuper

BULACAN – ISANG  tsuper na hinihinalang tulak ng bawal na gamot ang napatay at 18 iba pa ang naaresto sa iba’t ibang drug buybust ope­rations na isinagawa ng Bulacan Police nitong Hunyo 12, 2019.

Ayon kay PCol. Chito Bersaluna, hepe ng Bulacan-PNP, napatay si Jan Bryan Reyes, alyas “Barako,” tsuper,  residente ng San Miguel, Bulacan at kabilang sa drug watchlist ng Pandi, Bulacan.

Nabatid na dakong ala-1:30 ng umaga nitong Hunyo 12 nang makatunog si Reyes na pulis ang kanyang katransaksiyon sa bentahan ng shabu sa Brgy. Poblacion, Pandi kaya bumunot siya ng baril at nagpaputok sa mga pulis.

Gumanti ang mga pulis kaya napatay si Reyes na nakuhanan ng isang kalibre .38 Smith and Wesson revolver, limang sachet ng shabu at P500 buy bust money.

Nagsagawa naman ng buy bust operations ang Bulacan-PNP sa San Rafael, Meycauayan, San Miguel, San Jose Del Monte, Bocaue, Santa Maria, Marilao, Hagonoy,  Balagtas, at Baliwag kaya naaresto ang 18 hinihinalang tulak ng bawal na gamot na sinampahan ng kaukulang mga kaso sa Camp Alejo Santos sa Malolos City. A. BORLONGAN

Comments are closed.