MAYNILA – MAKARAAN ang matinding reklamo ng mga mananakay dahil sa mahigpit na pagbabawal sa mga bottled water, inalis na ng Light Rail Transit 1 ang kanilang ban sa bottled water at iba pang inumin.
Kahapon ay inalis na ng pamunuan ng LRT-1 ang ban sa mga bote ng inumin o ano mang liquid products.
Ipinatupad ang lifting sa liquid ban mula kahapon, April 2, ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC).
Magugunitang ipinatupad ang pagbabawal sa liquid items sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3 bilang bahagi ng mas mahigpit na seguridad matapos ang na-ganap na Jolo Cathedral bombing noong Enero.
Sa Metro Rail Transit Line 3 ay pinapayagan na ang mga liquid item na ang sukat ay 100ml lang at pababa, basta’t sasailalim ito sa pagsusuri ng mga guwardya.
Magugunitang Enero nitong taon nang ipagbawal sa mga pasahero ng LRT at MRT-3 ang bottled drinks dahil sa sinasabing banta ng paggamit sa liquid bombs.
“Hence, we encourage our passengers before entering MRT-3 stations to consume their bottled drinks, otherwise they will not be allowed to set foot in. Rest assured that we are doing our best to ensure safety and security of our passengers, as these two are our topmost priorities,” sa mga naunang pahayag ng Department of Transportation.
Sa ngayon wala pang anunsyo ang LRT Line 2 at MRT-3 hinggil sa lifting ng ban.
Bumibiyahe ang LRT-1 mula sa southbound ng Baclaran station, Pasay City hanggang Roosevelt station sa Quezon City.
Samantala, nag-alok ang LRT-2 ng libreng sakay sa mga beterano kasabay ng paggunita sa Philippine Veterans Week sa loob ng isang linggo.
Ayon sa pahayag ng Light Rail Transit Authority (LRTA), mula Abril 5 hanggang 11 ay may unlimited free rides ang mga beterano sa kanilang mga tren.
Magsisimula ang free rides alas 4:30 ng umaga o sa pag-uumpisa pa lang ng biyahe ng mga tren hanggang sa huling biyahe nito.
Libre rin ang isang personal companion ng mga beteranong sasakay.
Kailangan lamang iprisinta ang valid ID mula sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) para ma-avail ang free rides. VERLIN RUIZ
Comments are closed.