KAMAKAILAN lamang sa pamamagitan din ng lathalaing ito ay naimungkahi natin ang pagbabalangkas ng isang hiwalay na ahensiya o departamento ng Water Resources Management upang mangasiwa at mangalaga sa mga pinagkukunang tubig sa ating bansa. Gayundin, nabigyang diin na rin ang kahalagahan ng malinis at ligtas na tubig sa kalusugan at pamumuhay ng mga mamamayan. Sa bahaging ito ay nais ko namang itampok ang pangangailangan para sa tamang pangangasiwa ng tubig at ang angkop na paglalatag ng irigasyon upang mapanatiling matatag ang agrikultura at sa gayo’y masiguro ang kasapatan ng pagkain para sa mga Filipino.
Isang pag-aaral ng World Bank ang nagsabing 70% ng water withdrawals sa buong mundo ay ginagawa dahil sa agrikultura. Agrikultura rin ang pangunahing gamit ng tubig maging sa ating bansa kung saan mahigit 80% ang napupunta sa sektor na ito. At dahil lubhang mahalaga ang biyaya ng tubig, hindi lamang sa agrikultura maging sa mga industriya at komunidad, marapat lamang na maayos itong magamit at mapangalagaan.
Sinasabi rin sa nabanggit na pag-aaral ng World Bank na dalawang beses na mas produktibo ang lupa kung ito ay nadidilig sa pamamagitan ng irigasyon kumpara sa pagdidilig buhat sa ulan. Kung gayon, lubhang kinakailangan ang isang maayos na sistema ng irigasyon at sapat na suplay ng tubig sa pagpapataas ng ani, pagpaparami ng suplay ng pagkain sa pamilihan at pag-aangat ng kita ng ating mga magsasaka. Sa patuloy na pagtaas ng pangangailangan para sa tubig bunsod ng mabilis na industriyalisasyon at pagdami ng populasyon, dagdag pa ang epektong dulot ng climate change sa ating mga pinagkukunang tubig, lalong umiigting ang pangangailangan sa maayos na pangangasiwa sa ating mga yamang tubig.
Bagama’t patuloy ang pananaliksik at paglalapat ng teknolohiya upang ang mga pananim ay gawing mas matibay, higit na malaki at mas marami ang ani, kinakailangan ding masiguro ang kasapatan ng tubig na siyang magtutustos sa buhay ng mga pananim na ito. Ang pagtatambal ng pampubliko at pribadong sektor o public-private partnerships ay may mahalagang papel na maaaring gampanan upang magkaroon ng mas maayos pang sistema ng irigasyon at mas maunlad na teknolohiya para sa pagpapanatili o maintenance nito.
Makatutulong din ng malaki ang pagdaragdag ng pondo para sa paglalatag ng iba pang mga irrigation network sa bansa. Mahalagang maunawaan ang pagkakaugnay ng maayos na irigasyon sa kasapatan ng tubig sa pagpapalakas ng agrikultura upang masiguro ang sapat na pagkain ng mga mamamayan at patuloy na paglago ng ating ekonomiya.