TUBIG SA ANGAT DAM PATULOY NA BUMABABA

MALAKI ang tyansa na magpatuloy ang pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam hanggang sa buwan ng Abril.

Sa datos nitong Huwebes ng umaga, umabot na sa 200.70 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Ayon sa PAGASA Hydromet Division, mula noong kalagitnaan ng Enero ay nagtuloy- tuloy na ang pagbaba ng water elevation sa Angat.

Ito ay dahil na rin sa kakulangan ng ulan sa watershed o kahit na may ulan ay hindi sumasapat para maiangat ang antas ng tubig sa dam.

Sa pagtaya ng PAGASA, posibleng umabot sa 189 meters ang lebel ng tubig sa Angat dam sa katapusan ng Abril.

Sa kabila nito, sinabi ng PAGASA na kumpara sa ibang dam sa Luzon ay nananatiling normal ang elevation ng Angat dam.

Mataas pa rin aniya ang deviation nito sa rule curve na nangangahulugang normal ang alokasyon nito sa domestic use, at irigasyon.

Una na ring sinabi ng NWRB na nananatili ang 50cms na alokasyon ng Angat dam sa mga consumer sa Metro Manila hanggang April 15. P ANTOLIN