TUBIIIG! | Pilipino Mirror Pilipino Mirror
atty rojas

TUBIIIG!

PATULOY pa rin ang nararanasan nating kakulangan sa tubig dito sa Metro Manila at karatig na probinsiya ng Rizal. Apektado ang mga lugar na pinagsisilbihan ng Manila Water. Ayon sa kompanya, ito umano ay epekto ng nararanasang El Niño, na higit pang mararamdaman sa mga darating na linggo. Kaya naman, sinasabing mas lalong lalala ang krisis sa tubig sa mga darating na araw.

Ang isa pang dahilan na tinutukoy ng Manila Water ay ang labis na demand sa tubig o ang sobrang dami ng pangangailangan dito na lumalabis kaysa sa suplay. Hindi umano napaghandaan ng kompanya ang labis na demand kaya nagkakaroon ngayon ng kakulangan ng suplay.

Apektado ang lahat, mayaman o mahirap, na naninirahan sa mga lugar na sakop ng Manila Water. Mahirap ang sitwasyon lalo na sa mga ospital at ma­ging ang mga restaurant at iba pang negosyo ay apektado rin. Katulad nga ng sabi ng iba, hindi bale na raw na mawalan ng ilaw, huwag lamang tubig. Mula sa malaki hanggang  sa maliit na aktibidad ng bawat isa sa atin sa araw-araw ay ta­lagang apektado ng krisis sa tubig.

Ang isyu ng suplay ng tubig at mabuting serbisyo para sa mga mamamayan ay isang ­usaping nararapat na pagtuunan ng pangunahing pansin ng pamahalaan. Ibig sabihin, prayoridad dapat ito ng gobyerno sapagkat ito ay pangunahing pangangailangan ng mamamayan.

Nais ko na ring banggitin sa puntong ito na mabuting marinig natin mula sa mga kandidato sa darating na eleksiyon ang kanilang plano o plataporma kaugnay ng bagay na ito.

Ito ay isa sa mga bagay na maaaring maging batayan ng ­ating pamimili ng mga susunod na pinuno ng bansa. Alamin natin ang kanilang plano at maging matalinong botante sana tayo para na rin sa kinabukasan ng ating mga mahal sa buhay.

0

POST A COMMENT

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ADS