UMAPELA ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na ipasan sa middle class at mayayaman ang panukalang pagpapataw ng panibago at karagdagang buwis upang mabayaran ang malaking pagkakautang panlabas ng bansa.
Ang pahayag ng grupo ay matapos ipanukala Department of Finance (DoF) na magdagdag ng buwis ang susunod na administrasyon upang makalikom ng dagdag na pondo at mabayaran ang utang ng Pilipinas.
“Hindi kami muna papabor d’yan sa mga ganyang panukala dahil ang laki ho talaga ng impact ng inflation at nu’ng giyera sa Ukraine, kung kaya’t ang laki po ng ibinawas dito sa minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila,” pahayag ni TUCP Spokesperson Alan Tanjusay sa isang panayam.
Ayon kay Tanjusay, sagad na sa kahirapan ang mga manggagawa partikular ang mga sumasahod ng minimum wage at mas mababa pa sa minimum wage na mga informal workers dahil sa mga kasalukuyang mga buwis at pambihirang pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin kung kayat hindi na kakayanin kung matutuloy ang nasabing hakbangin.
Giit pa ni Tanjusay, balewala ang mga wage increase orders na inilabas ng mga wage boards nitong mga nakaraang araw dahil kakapiranggot at barya lamang ang mga ito.
“Dahil nga napakataas ng mga bilihin at halaga ng mga serbisyo, yung take home pay na, halimbawa ang sahod niya ay nasa P13,000 ano, ang kanyang take home ay nasa P10,000 na lamang kada buwan,” paliwanag niya.
Papayag ang TUCP sa dagdag buwis kung ang panibagong bubuwisan ay ang mga mayayamang negosyante at hindi isasama ang mahihirap na mangagawa sa bansa.
“Siguro ang panibagong mga taxes na nais ipatupad ng incoming administration ay dapat mag-focus doon sa mga middle class pataas na mga kababayan natin at hindi talaga kakayanin na dito sa mga class D and E o yung mga minimum wage earner at yung mga informal workers,” dagdag pa ng tagapagsalita ng TCUP. EVELYN GARCIA