TUGBOATS, VESSELS BAWAL NA SA PASIG RIVER

TUGBOATS

IPAGBABAWAL na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang matagal na pagpaparada ng mga tugboat, barge at vessel sa kahabaan ng Pasig River.

Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, isa sa nakikitang may kontribusyon sa water pollution ang naturang mga sasakyan na nagdadala ng mga kargamento sa mga ka­tabing pabrika sa gilid ng nasabing ilog.

Napansin ni Antiporda na sa ngayon ay walang strict measures para sa mga dumadaang barge sa naturang ilog.

Pinaplano rin ng DENR na maglagay ng malalaki at matitibay na nets sa Pasig River at ilang pangunahing ilog na dumadaloy patungong Manila Bay upang salain ang mga basurang inaanod.

Sinabi pa ni Antiporda na nakikipag-ugnayan na rin ang DENR sa Department of Science and Technology (DOST) upang maging katuwang sa  pagresolba sa sandamakmak na ba­sura, hindi lamang sa Pasig River, kundi maging sa mga kalapit-ilog nito.

Napag-alamang posibleng gamitin ang teknolohiya ng DOST kung saan gamit ang mga mikrobyo ay kakainin ng mga ito ang basura at unti-unting magiging buhangin.

Umaasa si Antiporda na sa pamamagitan nito ay unti-unting maiibsan ang problema sa basura mula sa mga maruruming ilog gaya sa Pasig.

“Hindi lamang ordinaryong basura ang problema natin, pati na rin ‘yung tinatawag na bulk waste katulad ng mga tinapong sirang kama, sofa, sirang bisikleta, wasak na aparador at ina pa,” dagdag pa ni Antiporda.

Hinikayat din niya ang publiko na makiisa sa paglilinis ng mga ilog. BENEDICT ABAYGAR, JR.