TUGISIN ANG ‘UTAK’ AT IBA PANG SANGKOT SA PERCY LAPID MURDER

SA maraming sulok ng mundo, kabilang ang Pilipinas, mapanganib daw ang landas ng mga mamamahayag.

Halos proteksiyon.

Parang manok o ibon na lang daw na binabaril.

Si veteran Filipino radio broadcaster Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid ay tinambangan at napatay sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City noong Oktubre 3 ngayong taon.

Napabilang ito sa mga tambak na kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa.

Ang pinakamalagim na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari noong Nobyembre 23, 2009.

Tinagurian itong “Maguindanao Massacre” kung saan higit 30 mamamahayag ang pinaslang.

Kahit nahatulan na ang ilang akusado, may ilan naman na patuloy pa ring nakalalaya.

Noong Martes, Oktubre 18, isinapubliko naman ni Interior Secretary Benhur Abalos ang pagsuko ng isang Joel Estorial na sinasabing gunman sa pagpatay kay Lapid.

Ayon kay Estorial, residente ng Quezon City, pangamba sa sariling kaligtasan ang dahilan ng kanyang pagsuko.

Inilabas kasi sa publiko ang kanyang litrato.

Natakot daw ang mama dahil P6.5 milyon ba naman ang patong sa kanyang ulo o reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa kanya.

Kasabwat daw ni Estorial sa krimen ang magkapatid na Edmon at Israel Dimaculangan at isa pang nagngangalang Orlando o Orly.

Hindi nga lang daw alam ni Estorial kung ano ang apelyido ni Orlando.

Sa kasalukuyan, kapwa tinutugis ng mga awtoridad ang magkapatid na Dimaculangan na mula raw sa Las Piñas City at maging si Orlando.

Pagsisiwalat ng gunman, nagmula aa New Bilibid Prison (NBP) ang utos para patayin si Lapid.

May kumontrata raw sa kanila mula sa kulungan para isagawa ito sa halagang P550,000.

Si Estorial daw mismo ang bumaril kay Lapid.

Kumpiyansa si Abalos sa extrajudicial confession ni Estorial at pinabulaanan ang mga posibleng espekulasyon na panakip-butas lamang ito.

Tumugma raw kasi sa ballistic examination ang baril ni Estorial at isang bala na natagpuan sa pinangyarihan ng karumal-dumal na krimen.

Maging ang mga damit daw ni Estorial na nakitang suot niya sa CCTV footage ay nabawi ng pulisya.

Mangiyak-ngiyak na humingi ng tawad si Estorial sa pamilya Lapid.

Hindi niya raw intensyong patayin ang mamamahayag. Ang usapan daw kasi, kung kanino matatapat ay siya ang babaril at nagkataong natapat daw sa kanya kaya siya na ang bumanat dito.

Para sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), positive development ang pagsuko ng gunman.

Maging ang dating abogado ni Lapid na si Atty. Berteni “Toto” Causing ay kumpiyansang nagsasabi ng totoo si Estorial dahil nakaharap niya raw mismo ito.

Nakabibilib din ang aksiyon ng PNP sa kaso.

Patunay ito na talagang tinututukan ng pamahalaang Marcos ang mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa.

Pursigido ang pulisya na panagutin ang mga nasa likod nito.

Sa kabilang banda naman, umaasa ang mga mamamahayag na mapuprotektahan sila gaya nang ipinangako ng dati at kasalukuyang administrasyon.

Patuloy na kumikilos ang PNP para hanapin ang iba pang mga sangkot sa pagpatay kay Lapid.

Tandaan na ang mga mediaman, bilang tagapaghatid ng mga balita’t impormasyon, ay kaagapay ng pulisya at gobyerno sa pagbubuo ng isang makatotohanan at makatarungang lipunan.