HINDI pa man tayo nakakapag-adjust sa kasalukuyang presyo ng sibuyas (at ng iba pang bilihin sa palengke at grocery) ay eto na naman at tumaas ang presyo ng itlog. Nasa halos sampung piso na ang bawat isang piraso, ayon sa mga ulat.
Bukod pa riyan ay magtataas din ngayong buwan ang Meralco ng singil sa koryente. Nasa P10.91 per kwh ang magiging singil dahil umano ito sa manipis na suplay ng fuel kaya’t napipilitan silang kumuha sa ibang supplier sa mas mataas na halaga. Mayroon ding balita na maaaring kapusin ang suplay ng koryente sa loob ng pitong buwan.
Kadalasan na ang pagbaba ng suplay sa mga buwan ng tag-init, dahil na rin sa mas mataas na demand mula sa mga consumers.
Kinakailangan pa ng ibayong pagtitipid sa paggamit ng koryente at sa pamimili ng pangunahing pangangailangan sa bahay. Nananawagan din ang Meralco sa lahat ng subscribers nito na gumawa ng mga hakbang upang makatipid sa konsumo ng elektrisidad. Bawat isa sa atin ay may magagawa, siyempre, at sa palagay ko ay dapat lamang na simulan ang pagtitipid ng mga higanteng establisyimento na lubhang malakas gumamit ng koryente. Kasama na riyan ang mga malls, hotels, at mga condominium. Tandaan natin na hindi lamang sariling gastos natin ang dapat nating paliitin, may responsibilidad din tayong tumulong sa pangkalahatang pagkilos upang mapaliit ang demand at mapagkasya ang ating suplay, lalo na sa paparating na tag-init.
Kung may lugar para mag-alaga ng mga manok para sa mga itlog nila, gawin natin ito. At kung may lugar din para magkaroon ng maliit na vegetable garden para taniman ng mga gulay, herbs, at prutas, gawin din natin ito. Malaking menos sa gastusin ang magagawa nito. Kailangan lamang maging maingat tayo sa ating pagkonsumo sa iba’t-ibang bagay dahil tayong lahat ay nahaharap pa rin sa maraming uri ng krisis o kakulangan ng suplay.