(Tulad ni Douthit, Blatche) KOUAME GAWIN DING NATURALIZED PINOY — ANGARA

Senador Sonny Angara-4

KAILANGANG tiyaking malakas ang koponang Filipinas sa pagsabak nito sa 2023 World Cup.

Ito ang ipinahayag ni Senador Sonny Angara, chairman ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), kasabay ng pagsusulong nito sa Senate Bill 1982, ang counterpart version ng House Bill 5951 na itinutulak naman ni SBP Vice chairman at Rep. Robbie Puno ng Antipolo City.

Layunin ng mga panukalang ito na maging solido at mapagtibay ang koponan ng bansa para sa naturang torneo.

Nauna rito, inendorso ni Angara ang agarang pagpapasok kay Angelo Kouame ng Ivory Coast sa Gilas Pilipinas kaakibat ng panukalang Philippine citizenship para rito.

“Nakita natin ang galing, husay at tagumpay ni Kouame bilang miyembro ng Ateneo Blue Eagles sa loob ng tatlong taon. At sigurado tayo na sa mga darating na panahon, mas magiging matindi pa ang kanyang husay sa laro. Hindi pa ito ang sukdulan ng kanyang talento kaya dapat ay bigyan natin siya ng sapat na suporta,” ani Angara.

“Mula 2016, dito na nanirahan sa Filipinas si Ange at nakikita natin sa kanya ang sinseridad na makatulong na paunlarin ang Philippine bas-ketball,” dagdag pa ng senador.

Sa edad na 20, inaasahang mapapabilang sa naturalized players ng Gilas Pilipinas si Kouame at sa kalaunan ay maging  miyembro ng nation-al team at  maging professional player sa mga darating na panahon.

Sa kanyang istadistika sa nakaraang Season 82 ng UAAP, makikita ang husay ni Kouame na nakapagtala ng average na 12.5 points, 11.8 re-bounds, 2.9 blocks at 1.4 assists, na naging malaking bahagi ng 16-0 sweep ng Ateneo.

Matatandaan na noong mga nakaraang taon, ilang dayuhang manlalaro  rin ng basketball ang sumailalim sa naturalization. Kabilang sa mga ito sina Marcus Douthit at Andray Blatche na kapwa nagbigay ng malaking tagumpay sa Philippine team.

“Alam naman nating lahat na dumaranas ang buong mundo ng matinding pagsubok. At isa ang sports, partikular na ang basketball sa mga nagpapasigla sa atin. Ang NBA, kailan lang, nakapagtapos ng isang season kaya ibinabalik na rin natin ang PBA. Nakakatuwang makita muli ang Gilas Pilipinas na balik-aksiyon, kasama ang mga manlalarong tulad ni Kouame. Malaking pag-asa ito sa estado ng Philippine basketball,” dagdag ni Angara. VICKY CERVALES

Comments are closed.