TULAK, 1 PA TIMBOG SA DROGA, BARIL, GRANADA

BULACAN-DALAWA katao kabilang ang isang drug peddler ang nadakip ng pulisya makaraang makumpiskahan ng droga, mga baril at granada sa magkahiwalay na drug bust at police checkpoint sa Barangay Liciada, Bustos at Barangay Bulihan, Malolos City sa lalawigang ito kamakalawa ng gabi at kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Col.Rommel J.Ochave, acting Provincial Director ng Bulacan PNP, ang naarestong sina Arvin Manalang y Sarmiento alias Bigboy, 34-anyos, laborer ng Barangay Liciada, Bustos na nahulihan ng shabu at isang baril at Fernando Alejo,50-anyos, freelance liaison at nakatira sa Barangay San Juan,Malolos City na nakumpiskahan naman ng mga baril at granada na kapwa lumabag sa pinaiiral na Omnibus Election Code(OEC).

Nabatid na bandang alas-11:50 kamakalawa ng gabi nang magkasa ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bustos police sa overall supervision ni Major Leopoldo Estorque Jr, Chief of Police ng Bustos Municipal Police Station(MPS) at kanilang target ang suspek na si Manalang na nakumpiskahan ng apat na pakete ng shabu, itim na pouch bag na naglalaman ng isang caliber 22 revolver na kargado ng isang bala.

Samantala,kahapon ng madaling araw nang masita sa Anti-Criminality Check-point operation na isinagawa ng Malolos City police at 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa Barangay Bulihan, Malolos City ang suspek na si Alejo habang lulan ng itim na Ford EcoSport nang parahin ito ay makuha sa kanyang pag-iingat ang isang caliber 45 Armscor pistol, isang 9mm revolver at isang MK2 hand grenade at cash money.

Ang dalawang suspek ay nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal partikular ang paglabag sa pinaiiral na Omnibus Election Code. MARIVIC RAGUDOS