TULAK HULI SA P1.5-M SHABU

Shabu

NAVOTAS CITY – ARESTADO ang tatlo sa apat na umano’y notoryus drug pushers sa buy bust operation ng mga pulis at nakumpiska sa mga ito ang P1.5 milyon halaga ng shabu sa lungsod na ito kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas ang naarestong mga suspek na si Warly Romay 36, Edmundo Quijano, 48, kapwa ng R. Domingo St. Brgy. Tangos North at Roxanne Jimenez, 36 ng Golden City, Taytay, Rizal habang ang kanilang kasama na si Romeo Limbaro, 32, ng R. Domingo St. ay pinaghahanap pa ng mga pulis.

Batay sa report ni Col. Balasabas kay Northern Police District (NPD) Director Brig. Gen. Ronaldo Genaro Ylagan, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga ope­ratiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt Charlie Bontigao kontra sa mga suspek sa R. Domingo St. Brgy. Tangos North matapos ang mahigit isang linggong surveillance operation.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer ay agad sumugod ang back-up na mga operatiba at sinunggaban ang mga ito, subalit nagawang makatakas ni Limbaro.

Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang 79 maliit na plastic sachets ng shabu, isang plastic ice bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinata­yang nasa P1.539,090.90 milyon lahat street value ang halaga, ilang drug paraphernalia at buy bust money. EVELYN GARCIA