LAGUNA – ARESTADO ng Provincial Intelligence Branch (PIB) Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA4A) at Calamba City-PNP Drug Enforcement Unit (DEU) ang isang buntis na itinuturong tulak ng droga matapos magkasa ang mga ito ng buy bust operation sa Parcon Ville, Brgy. Parian, Lungsod ng Calamba kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ni PLt. Col. Gene Licud, hepe ng pulisya, kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang suspek na si May Anne Pisigan y Bentijaba alias “Meann”, 38 anyos, residente ng Mabuhay City Subd., Brgy. Baclaran, Lungsod ng Cabuyao.
Sa imbestigasyon, dakong alas-6:30 ng gabi nang magkasa ng buy bust operation ang nabanggit na operatiba sa lugar sa pamumuno ni PIB Chief PMaj. Ryan Jay Orapa habang isa sa mga ito ang nagpanggap na buyer.
Doon mismo sa hinihinalang safehouse, hindi na nagawa pang makapalag ng suspek sa pulisya kasunod ang nakumpiskang 19 piraso ng small heat-sealed transparent plastic sachet ng shabu habang nakalagay sa isang coin purse na umaabot sa 90 gramo at may kabuuang halaga na P621,000.
Sa talaan, lumilitaw na dating napiit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang suspek noong 2010 at 2018 dahil sa pagtutulak nito ng droga kung saan nagawa nitong makalaya at muling bumalik sa kanyang ilegal na gawain sa kabila ng ito ay isa ng biyuda at nagdadalang tao pa. DICK GARAY
Comments are closed.