TULAK NA SANGKOT SA ROAD ACCIDENT NASAKOTE

RIZAL- NAGHIHIMAS ng rehas na bakal ang isang lalaking tulak matapos makumpiskahan ng shabu kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng Manila East Road, Brgy. Pantok, Binangonan sa lalawigang ito.

Base sa impormasyon, nagresulta ang pagkakaaresto sa suspek na si Alyas Jonathan, 41- anyos at residente ng Taguig, City matapos masangkot sa isang road crash incident sa nasabing lugar.

Aksidenteng nabangga nito ang dalawang biktima na kinilalang sina Alyas Mariano, 49-anyos at Alyas Ar-Ar, 34-anyos na parehong nakatira sa Binangonan, Rizal at parehong nagtamo ng mga galos sa katawan.

Agad na nireport ng mga biktima sa Binangonan Municipal Police Station ang naganap na insidente at base sa kanilang salaysay ay mabilis ang pagmamaneho ng suspek na nagresulta sa kanilang pagkakabangga.

Pagtungo ng pulis sa ospital ay positibong itinuro ng mga biktima ang suspek at matapos rekisahin ang sinasakyan nito, nakumpiska ang tinatayang mahigit P700,000 halaga ng shabu matapos na kapkapan ng rumespondeng pulis dahilan upang arestuhin ito.

Narekober rin sa suspek ang isang belt bag, coin purse, isang weighing scale, unit ng cellular phone, tatlong piraso ng one-hundred-peso bill (recovered money) at apat na pakete ng shabu na may bigat na humigit kumulang 110 gramo at nagkakahalagang na may street value na P 748,000.00.

Nahaharap sa mga kasong Reckless Imprudence resulting in Physical Injury at R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Dugs Act of 2002 ang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Binangonan Custodial Facility para sa tamang disposisyon.

Gayundin, ang mga ebidensya ay dinala sa Rizal Provincial Forensic Unit (RPFU) para sa laboratory examination. ELMA MORALES