LAGUNA – HINDI na umabot pa nang buhay sa pagamutan ang 28-anyos na itinuturong tulak ng droga matapos magawa umanong manlaban sa mga kagawad ng Calamba City PNP Drug Enforcement Unit (DEU) habang aktong nagsasagawa ang mga ito ng buy bust operation sa Purok 7, Brgy. Pansol kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ni PLt. Col. Jacinto Malinao, hepe ng pulisya kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang napatay na suspek na si Jaypee Andrade, residente ng Taguig City, Metro Manila.
Sa imbestigasyon, bandang alas-2:35 ng madaling araw nang magkasa ng buy bust operation si Malinao at kanyang mga tauhan sa lugar nang hindi inaasahang mauwi sa engkuwentro.
Hinala ng pulisya na posible aniyang nakatunog ang suspek na pulis ang kanyang katransaksiyon dahilan para magawa umano nitong manlaban gamit ang kalibre 38 baril.
Lumilitaw pa sa ulat na mula sa lungsod ng Taguig, nagawa pang magbenta ng droga sa lugar ang suspek na napapabilang sa High Value Target (HVT) ng pulisya.
Narekober ng pulisya sa suspek ang ginamit nitong kalibre 38 baril, P29,000 buy bust boodle money, medium heatsealed transparent plastic sachet ng shabu at P1,000 cash. DICK GARAY
Comments are closed.