CAMARINES SUR-ISANG notoryus na tulak ang napaslang ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 sa kanilang mas agresibong kampanya kontra iligal na droga bilang bahagi nang patuloy na programa nitong Intensified Cleanliness Policy (ICP).
Ayon kay PNP-PRO5 Regional Director P/BGEN Jonnel C . Estom, isang katibayan nito ang pagkakasamsam sa humigit kumulang 1,150 gramo ng pinaghihinalaang “shabu” na tinatayang may street value naaabot sa P7,800,000 kasunod ng ipinatupad na buy-bust operations sa bayan ng Nabua.
Sa ulat na ibinahagi ni Estomo, hepe ng Bicol PNP nagsagawa ng anti-narcotics operation ang pinagsamang tauhan ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5 katuwang ang Nabua MPS dakong alas-3:00 ng madaling araw nitong Nobyembre 15, 2021 sa Brgy Sta. Elena,sa bayan ng Nabua.
Sa ulat ni P/Major Malou Calubaquib, nakuha mula sa suspek na si Bienvenido Dinsing Jr., nasa hustong gulang, may asawa, at residente ng Brgy. Tambo, Pamplona, ang mahigit isang kilo ng Shabu.
Batay sa operasyon, nakabili umano ng 150 gramong pinaghihinalaang “shabu” ang poseur buyer ng PNP katumbas ang P450,000.
Matapos ang palitan ng bayad at item, nakaramdam ng pagdududa ang suspek na isa lamang patibong ang transaksyon kaya agad nitong binunot ang kanyang 9mm pistola at ipinutok laban sa mga kapulisan.
Wala namang natamaan sa unang bira ng putok mula sa suspek.
Napilitang gumanti ang mga operatiba at natamaan si Dinsing sa kanyang katawan ng naging sanhi ng kanyang pagkamatay. VERLIN RUIZ