LAGUNA – TIMBOG ng mga kagawad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-4A) ang itinuturong most wanted sa drugs watchlist makaraang magkasa ang mga ito ng buy bust operation kasunod ang pagkakumpiska sa malaking halaga ng shabu sa Lungsod ng Tagaytay kamakalawa ng hapon.
Ayon sa ulat ni PDEA-4A Regional Director Melvin Estoque kay PDEA Director General Aaron Aquino, nakilala ang naarestong suspek na si Suwaib Minalang, residente ng Ramirez Compound, Brgy. Cuyab, San Pedro City.
Sa talaan, lumilitaw na dating naaresto at napiit ang suspek at isa pa sa kanyang kasamahan noong 2018 kaugnay ng pagtutulak ng mga ito ng droga kung saan nagawa nitong makalaya matapos sumailalim sa Plea Bargaining Agreement.
Makaraan nito, patuloy pa rin aniya ang ginawa nitong pagtutulak ng droga sa lalawigan ng Cavite at Laguna sa halip na magbagong buhay.
Sa pamamagitan ng inilatag na surveillance operation ni Estoque at ng kanyang mga tauhan sa isang condominium unit sa lugar, naaresto ng mga ito ang suspek dakong alas-12:30 ng hapon matapos magpanggap na buyer ang isa sa mga ito gamit ang malaking halaga ng salapi.
Nakumpiska sa suspek ang malaking plastic bag na naglalaman ng umaabot sa 1000 gramo ng shabu na may halagang P6,800.000.
Sinabi ni Estoque na makaraang mabigyan aniya ng pangalawang pagkakataon ang suspek matapos sumailalim sa Plea Bargaining Agreement, huwag na sanang sayangin pa, kung hindi man kayo tumulong sa gobyerno, huwag na kayong maging parte pa ng problema.
Kaugnay nito, nagbigay rin ng kumpletong pahayag ang suspek sa harap ni Estoque matapos maaresto ang mga ito noong 2018 bago pa magawang makalaya.
Makikipagtulungan na rin aniya ito sa opisyal kung kanino at saan ito kumukuha ng malaking halaga ng droga na kanyang ibinebenta.
Paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II of Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kasong kinakaharap ng suspek kung saan kasalukuyang nakapiit sa PDEA-4A lock up cell sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Calamba, City. DICK GARAY