REHAS na bakal ang binagsakan ng 36-anyos na drug pusher habang nakatakas naman ang kasabwat nito makaraang makumpiskahan ng P748K halaga na shabu sa inilatag na buy-bust operation ng PNP DEG sa bahagi ng Brgy. Pulang Lupa Uno, Las Pinas City kamakalawa ng gabi.
Isinailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Jennyflor Pecaña y Quilicol, jobless at nakatira sa Brgy. Tambo, Parañaque City habang nakatakas naman ang kasabwat na si alyas Ward na kasalukuyang tinutugis.
Nakatanggap ng impormasyon ang PNP- DEG kaugnay sa bentahan ng shabu na kinasasangkutan ng mga suspek kaya isinailalim sa surveillance.
Nang magpositibo ang surveillance ay ikinasa ang anti-illegal drug operation sa pangunguna nina Col. Julian T. Olonan, Lt. Jeffrey C Padilla, SOU 4A, PNP DEG , Las Piñas CPS SDEU, Las Piñas Zapote Sub-Station 1 at PDEA kung saan nasakote ang isa sa dalawang suspek.
Nakumpiska sa suspek ang 110 gramo ng shabu na may standard drug price na P748,000; marked money na P1K na ginamit sa buy-bust operation at isang Android cellphone.
Sa police report ni Pat Nathaniel D Gomez, isinailalim sa chemical analysis ang 110 gramo na shabu na gagamiting ebidensya laban sa suspek sa kasong paglabag sa RA 9165. MHAR BASCO