TULAY BUMAGSAK: 4 PATAY,15 SUGATAN

DAHIL sa bigat ng mga sasakyang dumaraan, bumagsak ang Clarin Bridge sa Loboc River sa Loay, Bohol nitong Miyerkules ng hapon na nagresulta sa kamatayan ng apat katao at pagkasugat ng 15 iba.

Kinilala ang mga nasawi na sina Michael Ouschan, isang Austrian national; Arniel Cilos, Emilia Gemina at Epifhany Onada.

Gayundin, ilang pribadong sasakyan ang sabay na nahulog sa ilog, kung saan ilan sa mga ito ay nadaganan ng bahagi ng bumagsak na tulay.

Agad namang nag-deploy ng search and rescue teams ang National Disaster Risk Reduction and Management Council para sa iba pang biktimang na nawawala.

Nabatid na naganap ang sakuna pasado alas-4 ng hapon habang dumaraan ang iba’t ibang uri ng sasakyan.

Sa datos, nagkaroon na ng crack ang tulay dahil sa 2013 earthquake subalit ginagamit pa rin ng mga motorista habang ginagawa pa ang bagong tulay. VERLIN RUIZ/ EUNICE CELARIO