TULDUKAN NA ANG MULTI-TASKING AT NANG MAGING MAS PRODUKTIBO

Multi-Task

KASISIMULA pa lang ng taon pero ang pakiramdam mo na ay nalulunod ka na sa iyong trabaho o mga gawaing pang-eskuwela. Hindi alam kung ano ang uunahin sa mga nakatambak na mga gawain at madalas mababang kalidad na resulta ang iyong nakukuha.

Marami sa atin ang hindi maiwasang isabay ang pag-scroll sa Facebook, o kaya panonood ng mga video sa ating mga takdang gawain. Ang iba naman ay kumakausap o sumasagot ng tawag, samantalang ang iba ay nakikipag-text habang nagtatrabaho.

At kung sa tingin mo ay mainam at produktibo ito dahil nagagawa mo ang iyong trabaho habang gumagawa ng iba pang mga bagay, diyan ka nagkakamali. Maa­aring natatapos mo nga ang iyong mga dapat gawin ngunit asahan na mababa ang kalidad ng mga ito.

Kilala ang gawaing ito sa tawag na “multitasking” o ang paggawa ng higit sa isang gawain sa loob ng isang takdang panahon. Narito ang ­ilang dahilan upang sa wakas ay tigilan na ang multitasking:

MALAKI ANG TIYANSANG MAGKAMALI. Isa sa hindi magandang epekto ng multitasking ay ang malaking tiyansang magkamali dahil hindi ka nakapokus sa iisang gawain. Halimbawa ng isang malalang uri ng multitasking ay ang paggamit ng telepono habang nagmamaneho. Hindi lingid sa ating kaalaman na isa sa dahilan ng aksidente sa kalsada ang distracted driving kung saan ang nasa likod ng manibela ay guma­gamit ng telepono.

NAPIPIGILAN ANG PAGKAMALIKHAIN. Sa paggawa ng higit sa isang bagay sa loob ng isang takdang panahon, napipigilan natin ang utak na gawin nito ang natural na pro­seso at daloy ng pag-iisip dahil sa papalit-palit na gawain na ating isinasagawa.

Mas magagamit na­tin ang kabuuang kapasidad ng ating utak kung matututo tayong gumawa nang hindi pinagsasabay ang mga takdang gawain.

Mas makaiisip ng mga panibagong ideya o kung mas bibigyang pansin ang trabaho o proyektong isinasagawa.

Halimbawa nito ay kapag kailangang umiisip ng panibagong pa­raan para maresolba ang isang problema sa trabaho o kaya naman panibagong mga ideya para sa pananaliksik.

HAKBANG UPANG TULDUKAN NA ANG MULTITASKING

Narito naman ang ilang hakbang nang matuldukan ang multitasking at maging mas produktibo sa ginagawa:

SUBUKAN ANG ‘POMODORO TECHNIQUE’. Ang Pomodoro Technique ay isang time management method kung saan mas mapalalawig ang pokus at mapabibilis ang pagtapos ng takdang gawain.

Ito ay binuo noong 1990’s ng isang entrepreneur at manunulat na si Francesco Cirillo. Isinunod niya ang pangalang Pomodoro sa isang hugis kamatis na timer na ginagamit niya noon.

Dito ay isang gawain lamang ang kailangan pagtuunan ng pansin sa isang takdang panahon. Makabubuting gumawa ng listahan ng mga task na kailangang gawin at tapusin upang masundan at mabantayan ang iyong progress.

Sa Pomodoro Techinique, hinahati mo ang iyong oras sa maliit na bahagi: pagkatapos ng unang 25 minuto ay magpahinga sa loob ng 5 minuto. Hindi ibig sabihin na may limang minutong pahinga ay bubuksan mo ang iyong Facebook. Maaaring sa loob ng limang minuto ay kumuha ng kape, kumuha at uminom ng tubig, o kaya naman pumunta sa banyo.

Siguraduhing namamarkahan ninyo ang inyong listahan upang maiwasan ang pagkalito. Kapag nakatapos na ng apat na 25 minuto ay kunin ang iyong “long break” karaniwang ito ay 15-30 minuto depende sa haba ng iyong takdang panahon sa pagtatrabaho o pag-aaral.

Ulitin lang ang pro­sesong ito sa loob ng takdang panahong nakalaan sa iyong trabaho. Para naman sa mga estud­yante, kung naglaan ka ng tatlong oras para sa paggawa ng mga takdang aralin o pagre-review, sundin lamang ang 25/5 na hati ng oras.

SULITIN ANG ‘BREAK’ AT IWASAN ANG ‘FAKE BREAKS’

Matapos ang isang task, dapat ay nagpapahinga upang makapag-recharge. Iwasan ang ‘Fake breaks’ kung saan ay bubuksan mo ang data ng telepono at mag-scroll sa Facebook o kaya naman manood ng mga video o mag-add to cart sa inyong onine shopping apps.

Imbes na gawin ito, sulitin ang iyong break. Maaaring lumabas at kausapin ang mahal sa buhay o kaya naman makipag-usap sa iyong katrabaho. Sa ganitong paraan, mas maipapahinga ang iyong utak at nakasalamuha mo pa ang iyong mga kasama sa trabaho o kaeskuwela, hindi mo pa nakalimutang kumustahin ang mahal mo sa buhay.

Sa una ay aakalaing mainam ang multitasking, ngunit sa huli hindi ka pa rin nagiging mabisa at produktibo. At sa mabilis na takbo ng ating panahon, mas paikli nang paikli ang ating attention span at malaki ang epekto nito sa ating pamumuhay na nakalilimutan na natin kung paano magpokus sa isang bagay.

Malaking bagay na subukan nating disiplinahin ang utak upang mas maging pokus at ­ilayo ang ating mga sarili sa mga nakapagpapagulo at nakaagaw ng ating pansin dahil mas mag­reresulta ito sa pagiging mas mainam at produktibong panahon. MARY ROSE AGAPITO

Comments are closed.