TULFO BROS, HANDA SA BASAGAN NG YAGBOLS; AT CONGRATS, BOC-CLARK!

PARANG nabiktima ng masakit na biro tuwing April Fools Day si Lt. Gen. Emmanuel Peralta — na ini-appoint na officer-in-charge (OIC) ng Philippine National Police (PNP) noong Easter Sunday, March 31.

Tuluyang nagretiro kasi si Gen. Benjamin Acorda Jr. noong Linggo, at masayang tinanggap ni Peralta (mistah ni Acorda sa PMA Class 1991 “Sambisig”) ang bagong tungkulin.

Pero, bahagya pa lang nag-iinit ang pundilyo ni Gen. Peralta, eto na — agad siyang pinalitan ng kaklase rin niya na si Major General Rommel Francisco Marbil, kinabukasan, Lunes, Abril 1, April Fools Day!

Naman, naman, pinaglaway lang ba si Gen. Peralta at hindi man lang pinatagal ng kahit isang linggo o isang buwan.

Ang pagiging OIC ni Peralta ay pinirmahan noong Marso 27 ni Exec. Sec. Lucas Bersamin, at hindi ba napayuhan ni Lolo Johnny Ponce Enrile si Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na hayaan muna si Peralta na mag-init ang puwet sa upuan nito sa Camp Crame.

Kasi, ampait namang joke ito, kung biro nga, kasi pride, pagka-maginoo, pagka-lalaki ni Gen. Peralta ang nasaktan dito.

Sa social media, tampok ng biro si Peralta ng mga pulis na ewan ko kung paano ito tinatanggap ng makisig na heneral.

Sabagay, ang mga mistah ng PMA ay disiplinado at masunurin sa commander-in-chief at kahit masakit man — kung biro ang ginawa niya, tatanggaping maginoo ni Gen. Peralta ang pangyayari.

Pero kung katulad ni dating Navy officer, Sen. Sonny Trillanes ito nangyari, ay naku, alam na natin, hehehe.

Alalahanin ang ginawa ni Trillanes na drama sa Oakwood noong panahon ni Lola Gloria: ito ay naging malaking joke din pagkat ang katapangan ni Sonny sa pagkukuta sa Hotel ay agad natunaw nang pasukin siya at mga kasama ng mga sundalo at tangke.

Sa inyo pong pagiging tunay na gentleman and officer, a thousand salutes, Gen. Peralta, at sa ating bagong PNP chief, Gen. Marbil, congratulations, at sana, mapalakas at madisiplina n’yo ang mahigit sa 200,000 officers and personnel ng ating pambansang pulisya.

Wika ni PBBM, buo ang kanyang tiwala sa inyo,. Gen. Marbil at sana, di kayo matulad sa ibang PNP chief na nasangkot sa maraming kontrobersiya.

Kami po ay nagtitiwala sa inyong kakayahan, Gen. Marbil, sir!

o0o

Wow, another major accomplishment ito ng Bureau of Customs (BOC) sa pamumuno ni Sir Commissioner Benjamin Rubio.

Paghanga namin sa tropa ng BOC-Clark sa pagkasabat sa P212.5 milyong halaga ng shabu na idineklarang “router”, siyempre katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), X-ray Inspection Project (XIP), Enforcement and Security Service (ESS), at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).

Mantakin n’yo kung nakalusot ang 31,250 grams ng Methamphetamine Hydrochloride o shabu, malaking disgrasya ito at dagdag na problema sa kriminalidad ng bansa.

Galing ang kontrabado sa New Jersey, USA na dumating dito noong Marso 21, 2024 — na agad isinalang sa X-ray scanning at nang idaan sa super talas na pang-amoy ng K-9, nabisto na ang kargamento ay may isinekretong droga.

Kaya, agad binusisi ang natuklasang 29 packs ng selyadong plastik, at nang ieksamen ng PDEA sa kanilang chemical laboratory, nakumpirma, ang laman ay Methamphetamine Hydrochloride na mas kilala natin sa tawag na shabu — isang ilegal na droga na may mabigat na parusa ang importasyon, ayon sa ating batas — ang R.A. No. 9165.

Kaya, agad, iniisyu ni District Collector, Atty. Erastus Sandino B. Austria ang warrant of seizure and detention sa kinumpiskang “routers” na ginagamit sa koneksyon sa internet, traffic lights at iba pang gamit elektroniko.

Kung sinoman ang importer at broker ng kontrabandong ito, sila ay dapat managot sa batas, kasi talagang malaking perwisyo ito sa bansa.

Napakawalanghiya naman nila na sa pagkagahaman sa pera, kahit wasakin ang utak at katinuan ng ating kabataan, ayos lang, at ang epekto, dagdag na kriminalidad dahil masama ang epekto ng shabu sa katinuan ng mga gumagamit nito.

Sana, ipataw sa kanila ang mabigat na parusa ayon sa paglabag sa Section 118 (g), 119 (d), and 1113 par. f, I, and l (3 and 4) of R.A. No. 10863 or the Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) in relation to R.A. No. 9165, at iba pang batas laban sa pag-importa ng bawal na gamot.

Pinupuri natin si District Collector Austria at magagaling na opisyal at tauhan ng PDEA, CAIDTF, ESS, CIIS, at ng XIP sa kanilang mataimtim na husay at katapatan sa tungkulin at pag-iingat at pangangalaga sa kapakanan ng ating bansa.

Sana ay mabigyan sila ng commendation kasi, ayon kay Collector Austria ang nasabat ng BOC-Clark ay ang “ biggest drug apprehension” nito sa isang kargamento, mula noong 2020.

Kung naging matapat ang mga tauhang ito ng BOC at siyempre ng PDEA, maituturo ang mahusay na pamamahala ni Customs Commissioner Rubio na laging idinidiin ang utos na pagbutihin, paigtingin ang pagbabantay sa mga kontrabandista ng ilegal na droga.

Mula sa atin, ang pagpuri at pagbati po sa inyong lahat.

Mabuhay kayo riyan sa BOC at PDEA, mga bossing!

o0o

Matunog ang bulungan, tatakbong independent presidential candidate si Sen. Raffy Tulfo — na sabi, talagang bentang-benta na sa bansa ang kanyang mahusay na trabaho sa Senado, lalo pa at nasusuportahan siya ng mga kaptid niya, sina ACT-CIS partylist Cong. Erwin Tulfo at si Bitag Ben Tulfo na kapwa umeere sa survey na mananalong kandidatong senador.

Tama lang na mag-independent si Sir Raffy, kasi magiging bagahe lang niya ang pagsapi sa mga political party na laging puno ng mga politikong balimbing.

Good luck sa inyo Tulfo brothers, ito ay kung mangyayari ngang tumakbo kayo, Sir Erwin at Sir Ben sa Senado at si

Sir Raffy para presidente sa 2028 national elections.

Kailangan natin ay tulad ng Tulfo bothers na handang ilaban ng basagan ng yagbols ang kanilang prinsipyo para sa bayan!

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].