TULFO: SOLO PARENT LAW DI RAMDAM ANG MGA BENEPISYO, KAILANGAN AYUSIN AGAD

Hindi raw naipatutupad ng maayos ang Solo Parent Law o ang RA 11861 kaya hindi nararamdaman ang mga benepisyo nito.

Ito ang ibinahagi ni ACT-CIS Cong. Erwin Tulfo sa isang panayam kamakailan nang matanong hinggil sa benepisyo naman para sa solo parents na umaabot sa 15 million ang bilang sa Pilipinas base sa datos ng World Health Organization ngunit kalahati lamang dito ang namuhay sa poverty line.

“Ayon sa Expanded Solo Parent Act of 2022 dapat may monthly allowance na P1,000 ang mga indigent single parents at diskwento sa mga certain grocery items”, ayon kay Cong. Tulfo.

Aniya “kung hindi kulang, delayed, o wala talagang naibibigay na monthly allowance sa mga solo parents dahil ipinaubaya ito ng batas sa pamahalaang lungsod o bayan kung saan sila nakatira”.

“Karamihan sa mga LGU ay hindi alam kung saan kukunin ang pondo para sa solo parents lalo na yung mga mahihirap ng munisipyo,” dagdag pa ni Rep. Tulfo.

Ayon pa sa House Deputy Majority Leader pati yung discounts sa grocery items ng mga solo parents ay hindi pa rin napapatupad.

Ayon kay Tulfo, “Reklamo naman ng mga tindahan malulugi na sila dahil madami ng discounts ang ibinibigay nila tulad ng sa senior citizen at PWDs ngunit wala naman silang nakukuhang tulong sa pamahalaan”.

Suhestiyon ni Tulfo na baguhin ang batas para sa Expanded Solo Parents na kunin na lang sa national government ang pondo para sa pagbibigay ng allowance sa mga indigent solo parents.

“Bagamat maganda ang layunin, may butas ang batas na ito na kailangan ayusin agad para mapakinabangan ng mga solo parents”, dagdag pa ng mambabatas.

Isang panukalang batas na ang inihain ni Cong. Tulfo noong nakaraang taon pa para rebyuhin ang Solo Parent Law.