SA kabila ng pagkabalam o pagkaka-defer sa appointment sa Commission on Appointments (CA), tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na patuloy pa rin niyang gagampanan ang kanyang trabaho.
Ayon kay Tulfo sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay, ito rin aniya ang instruction sa kanya ni Pangulong Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos Jr., kaya naman ito ang kanyang gagawin.
“Ang instructions was, to keep on going – ang instruction ng ating Presidente kasi nga naman po –yung appointment ko– Yung panunumpa ko sa kanya is effective until March po next year”, pahayag ni Tulfo.
Aniya, kahit ma-bypass siya ay mayroon pa rin siya hanggang Marso 2023 upang tuluyang makumpirma ng Commission on Appointment ang pagkakatalaga sa kanya ni Pangulong Marcos Jr.
Sinabi rin aniya ng Pangulo sa pamamagitan ng text na hayaan lamang ang CA na gawin ang kanilang trabaho dahil wala naman aniyang magagawa ang ehekutibo hinggil sa isyu dahil trabaho ito ng legislatura kaya hintayin na lamang ang desisyon ng CA.
Samantala, hindi naman idinetalye ni Tulfo ang deliberasyon kaugnay sa kanyang citizenship ngunit tiniyak nito na ilang buwan bago siya ma-appoint ng Pangulo ay isinurender na nito ang kanyang pagiging US citizen.
Pagdating naman sa kanyang 4 counts ng libel case, limitado rin ang kanyang sinabi dahil ayaw nitong pangunahan o maimpluwensyahan ang pinag-uusapan sa deliberasyon.
Aniya, mag-uusap pa sila ng kanyang abogado para umapela sa Korte Suprema hinggil sa naturang usapin.
PAUL ROLDAN