TULONG AT DASAL SA QUAKE VICTIMS

Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle

PANAWAGAN ng tulong at panalangin sa publiko si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa mga nabiktima ng magnitude 6.1 na lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Luzon nitong Lunes ng hapon, kabi­ lang na ang Metro Manila.

Inatasan din ni Tagle ang mga pari na alamin kung may mga nagsilikas na residente sa kanilang nasasakupan na naapektuhan ng lindol at mga na­ngangailangan ng agarang tulong.

“Please see if some people in your area were hurt or displaced, so they could be attended to,” mensahe ni Tagle, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Pinaalalahanan pa ng Cardinal ang mga Rector ng Simbahan at pamunuan ng mga paaralan na suriin ang kanilang mga gusali at tiyakin ang kaligtasan ng mga kawani at mga mag-aaral.

Tiniyak din naman ng Cardinal na ipinagdarasal nila ang kaligtasan ng lahat.

Hinihiling din naman niya ang muling pagsasanay o ‘earthquake drill’ sakaling muling magkaroon ng pagyanig.

Batay sa update ng Damay Kapanalig, higit na naapektuhan ng lindol ang lalawigan ng Pampanga, kung saan dalawang lumang simbahan ang nasira, kabilang dito ang 17th at 19th century church ng St. Augustine sa Lubao at Santa Catalina de Alexandria sa Porac.

Nagkaroon din ng crack o lamat sa anim na simbahan, cathedral at shrine sa  Angeles, Sta. Rita, Guagua at Betis sa Pampanga.  ANA HERNANDEZ