ANG mga Pinoy ay mahilig sa streetfoods, kahit saang lugar man tumingin ay nagkalat ang mga pagkaing masasarap na lutong Pinoy.
Sa murang halaga nito, tiyak na mabubusog ang ating kumakalam na sikmura.
Ang pang masang mga pagkain kahit saang lugar sa kalsada ay matatagpuan kung saan maaaring kumain dito ang iba’t ibang klase ng tao, mayaman man o mahirap.
Isa sa pagkaing matatagpuan sa kalsada ay ang PARES na ang ibig sabihin ay ‘pair’ dahil ang pangmasang presyo ng sinabawang espesyal na baka ay may kapares pang garlic fried rice.
Makikita natin ang ating ilang kababayan na talagang pinipilahan ito o blockbuster sa kalsada na bukod sa mura na, masarap pa at higit sa lahat pampalakas pa ng katawan.
Orihinal itong naimbentong ng mga Pinoy na sadyang maipagmamalaki dahil sa tamang-tamang timplang manamis-namis at may aromatic na amoy pa ng star anise at dahong sibuyas sa sinabawang pinalapot mula sa inilagay na pinalambot na baka.
Isang simpleng putahe na may kanya-kanyang version naman tayo lalo sa ang mga mahilig magluto.
Isa na si Becky Ustaris na 73-anyos. Kinahiligan na nito ang pagluluto noong pang kabataan niya kaya naman nagtayo siya ng catering services.
Noong una ay napakalaki ang kanyang naging puhunan na umabot sa higit P200,000 dahil sa mga gamit pa lamang ay talaga namang dapat na seryosohin at palaguin ang negosyo.
Nang lumaon ay nagsawa na si Becky na mag-catering kaya naman ibinenta niya ang lahat ng kanyang naipundar na kagamitan upang pumasok sa panibagong negosyo.
Hindi siya nagdalawang isip na mag-umpisa ng kainang PARES na tinawag niyang ‘Pares ni Tita Becky’.
Ang perang pinagbentahan ay kanyang ipinuhunan sa Tiangge sa Plaza ng Calamba .
Kumuha siya ng puwesto upang doon magtinda ng sari-saring pagkain tulad ng beef pares, beef toppings at beef noodles sa halagang P79 kada order.
Sinamahan pa niya ito ng ibang mga produkto tulad ng Glazed Crispy Pork at Buffalo Wings na may Java Rice sa halagang P99.
Ang kanyang naging katuwang sa paghahanap-buhay ay kanyang pamilya at ilang kabataang estudyante na kasama sa kanilang Christian Church.
Ang mga batang ito ay nag-aaral sa umaga at sa pagsapit naman ng gabi ay doon na sa tindahan tumutulong kay Tita Becky na kanya namang sinusuwelduhan ng P300 hanggang P500 kada araw bukod pa ang libreng pagkain.
Isang malaking tulong ito sa mga kabataan na nagnanais rin makatulong sa kanilang pamilya habang dumaranas ng krisis dahil sa pandemya.
Kasama sa adhikain ni Tita Becky ang tumulong sa kanyang kapwa at makapagbigay ng hanapbuhay. Hindi naging sagabal sa kanya ang COVID-19 basta samahan lamang ng panalangin ang matibay na paniniwala sa Diyos na mapoprotektahan at ililigtas sa sakit. CYRILL QUILO