MULING umaapela ang Archdiocese of Davao para sa karagdagang tulong sa mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao.
Mismong si Davao Archbishop Romulo Valles, na siya ring pangulo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang naglabas ng liham upang manawagan ng mga pagkain tulad ng bigas, canned goods at tubig, at mga gamit gaya ng kumot, kulambo at hygiene kits para sa mga biktima ng lindol.
Maaari rin magbigay ng donasyong pinansyal ang mga nagnanais tumulong sa pamamagitan ng pag-deposit sa BDO Account ng The Roman Catholic Bishop of Davao Inc., Woodlane Branch Davao City sa Account Number na 010470013680.
“This is an urgent appeal for help for our brothers and sisters in the Dioceses of Digos and Kidapawan who are seriously affected by the series of earthquakes which destroyed lives and properties,” bahagi ng liham ni Valles.
Nabatid na ang campaign for help ay tatawaging Tabang sa Nalinugan sa Digos ug Kidapan o TaNa sa Digos ug Kidapawan.
Matatandaang nitong Oktubre 31 ay muling niyanig ng 6.5 magnitude na lindol ang North Cotabato dahilan nang pagbagsak ng ilang gusali sa Davao region. ANA ROSARIO HERNANDEZ