TULONG NG BIZMEN SA TRAPIK

TRAPIK-3

UMAPELA ng tulong ang commuter at transport groups sa mga nagmamay-ari ng business establishments at government offices na tulungan ang gobyerno na maipatupad ang utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ibalik ang mga public road sa tao.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) at ngayon ay Task Force for Transportation and Management head ng Quezon City, kailangan ang tulong ng  mga negosyante at government offices upang  matagumpay na maisakatuparan ang  utos ng Pangulo.

Sinabi ni Inton sa i­lang araw na operasyon, nakita nila na hindi lang sa illegal vendors kaila­ngang bawiin ang  lansangan kung hindi sa mga legitimate business establishments din.

Maraming establishments sa lungsod na walang parking space, kaya’t sidewalk ang ginagawang exclusive parking spaces ng ilang negosyante sa kanilang tapat.

Nabatid na may mga negosyo rin na hindi dapat sa harapan ng kalye itinatayo  tulad ng mga motorshop, talyer o vulcanizing shops na ginagawang workplace ang bangketa, at marami rin  ang wala pang business permit.

“Malinaw ang direktiba ng DILG sa mga ito – revoke the permits. Kaya dapat maghigpit sa pagbibigay ng permit,” saad ni Inton.

“Ang mga violators na mga fastfood chains, bangko, motorshops, restaurants at iba pa ‘yan ang mas malaking challenge para maging matagumpay ang mga pamahalaang lokal sa 60 day challenge and beyond. At hindi nga lang pribadong negosyo ang mga violator. Maging mga government office,” dagdag pa ni Inton.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.