TULONG NG DOLE PARA SA ATING MANGGAGAWA

(Pagpapatuloy…)
Nitong Mayo Uno, ipinagdiwang sa bansa ang Araw ng Paggawa. Nagkaroon ng mga mapayapang pagtitipon ang mga manggagawa upang ihatid ang kanilang mensahe sa ating pamahalaan.

Bilang pagkilala sa kahalagahan ng mga manggagawa, nagsagawa naman ng ilang mga programa ang gobyerno sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE). Kabilang dito ang libreng sakay sa LRT2 at mga job fairs sa buong bansa. Bukod pa riyan, nagbigay rin ng tulong ang pamahalaan sa ilalim ng mga sumusunod na programa: Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program, DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) o Kabuhayan Program, DOLE-Government Internship Program (GIP), at ang Special Program for Employment of Students (SPES). Ayon sa ulat, umaabot sa 1.8 bilyong piso ang halaga ng tulong na ipinaabot ng gobyerno sa mga manggagawa sa ilalim ng mga nabanggit na programa.

Mayroon ding itinayong 27 Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa outlets sa iba’t-ibang lugar sa buong Pilipinas.

Ito ay proyekto ng Office of the President katuwang ang mga sumusunod na ahensiya: Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of the Interior and Local Government (DILG), at ang iba’t-ibang local government units (LGUs).

Nais ng DOLE na ipaalam sa mga manggagawa na malalapitan sila kung sakaling may problema hinggil sa kanilang hanapbuhay. Nariyan ang DOLE Hotline 1349 kung saan handang tumulong ang mga Action Officers 24-7. Maaari ring tumawag sa 0961-595-8439 mula Lunes hanggang Biyernes sa mga oras ng opisina, o magpadala ng direct message sa pamamagitan ng official Facebook page ng DOLE, o sa pamamagitan ng email address na [email protected]