SA GITNA ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, magandang balita ang hatid ng Manila Electric Co. (Meralco) para sa mga customer nito.
Kamakailan ay inanunsyo ng power distributor ang isa na namang bawas singil sa koryente ngayong buwan ng Peb¬rero. Noong nakaraang buwan ay tinapyasan na rin ang singil kung kaya’t kahit papaano ay makakatulong ito para sa mga consumers.
Bababa nang halos P0.1185 kada kilowatt-hour (kWh) ngayong buwan ang presyo ng koryente. Mula sa presyong P9.70 kada kWh noong Enero, ang singil ay nasa P9.58 kada kWh na lamang. Katumbas ito ng P24 na tapyas sa bill ng koryente ng isang tipikal na residenteng kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Sumatutal, matapos ang P0.74 per kWh na bawas singil noong Enero, aabot na sa mahigit 19 sentimos ang bawas singil mula nagsimula ang taon at katumbas ito ng P39 na matitipid ng residenteng may 200 kWh na konsumo.
Ang magkasunod na bawas singil ay bunsod ng pagbaba ng generation charge, o ang binabayad ng Meralco sa mga supp¬lier nito ng koryente katulad ng mga power plants at ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Umaasa ang Meralco na makakatulong ito kahit papano sa mga customers na umaaray na sa sunud-sunod na dagdag singil sa presyo ng produktong petrolyo.
ENERGY EFFICIENCY TIPS PARA SA PAPARATINGNA TAG-INIT
Bagamat pababa nang pababa ang singil sa koryente, batid ng Meralco na papalapit na naman ang tag-init at tiyak ay tataas na naman ang konsumo na maaring magdulot ng paglaki ng babayaran sa electricity bills.
Kung kaya ang power distributor ay nagpapaalala sa mga konsyumer na maging masinop at wais sa paggamit ng koryente.
Ayon sa Meralco, maraming paraan upang makatipid sa konsumo ng koryente. Narito ang ilan sa mga energy efficiency tips sa paggamit ng mga appliances na maaring gawin ng mga konsyumer.
BENTILADOR. Sa paggamit ng bentilador, napakahalaga ng pagpili ng tamang uri nito dahil ito ay dapat na naaakma sa laki ng kwartong paglalagyan nito. Ang pagpili ng bilis at lakas ng bentilador ay nakakaapekto rin sa konsumo. Kung mas malakas ang gamit, mas mataas din ang konsumo. Ayon pa sa pagsusuri ng Meralco Power Lab, maaaring makatipid ng P32.04 sa isang buwan kung ang 16” na bentilador ay gagamitin ng siyam na oras sa isang araw nang nasa mababang setting kumpara kung ito ay nasa pinakamataas. Mahalaga rin ang regular na paglilinis ng bentilador upang maging mas maayos ang pag-andar nito.
TELEBISYON. Kung iisa lamang ang pinapanood na palabas, manood na lamang nang samasama sa halip na hiwa-hiwalay na telebisyon pa ang gamitin. Kung hindi ginagamit ang telebisyon, ugaliing bunutin ito sa pagkakasaksak. Ang isang TV na may laking 21” ay maaaring makadagdag ng P15-20 sa inyong bill kada buwan kung ito ay iniiwang sa standby mode. Gaya ng bentilador, mahalaga rin ang pagpili ng tamang laki ng telebisyon na naaangkop sa laki ng kwartong paglalagyan nito. Maaari ring makatipid ng 27% hanggang 67% sa konsumo kung gagamitin ang energy saving mode ng mga telebisyon. Mas matipid in ng 77% sa konsumo ang mga LED TV kumpara sa mga (cathode-ray tube) CRT at Plasma na uri ng telebisyon.
REFRIGERATOR. Sa pagpili ng refrigerator, ugaliing tingnan ang yellow na sticker na nakakabit dito. Ang mataas na Energy Efficiency Factor ay katumbas ng mas mababang ang konsumo. Piliin din ang tamang laki base sa laki ng pamilyang gagamit nito. Ang 7-10 cubic foot na refrigerator ay karaniwang may kapasidad ng pagkain na pang-dalawang tao. Magdagdag ng isa pang cubic foot para sa kada isang miyembro ng pamilya para masigurong tama lang ang laki ng refrigerator. Siguraduhin ding mayroong sapat na espasyo na hindi bababa sa dalawang pulgada sa paligid ng regrigerator upang mas makaikot ang hangin nito. Ayon din sa pagsusuri ng Meralco Power Lab, maaaring makatipid ng hanggang 50% kung inverter na refrigerator ang gagamitin.
RICE COOKER. Ang mga rice cooker ay mayroong ‘Keep Warm’ na setting. Pinananatili nito ang init na kinakailangan ng kanin matapos itong maisaing. Sa halip na dumepende sa setting na ito, maaaring i-adjust ang oras ng pagsasaing at gawin ito nang mas malapit sa aktwal na oras ng pagkain upang hindi na kailanganing gamitin ang nasabing setting. Gaya ng ibang kagamitang de koryente, makatutulong din kung ugaliin na tanggalin sa pagkakasaksak ang rice cooker kung hindi naman ito ginagamit. Piliin din ang tamang laki ng rice cooker at iayon ito sa laki ng pamilyang gagamit nito.
PLANTSA. Upang makatipid sa konsumo, ugaliing magplantsa ng damit nang maramihan. Mas matipid ito kaysa paulit-ulit na pagsasaksak at paggamit para sa iilang damit lamang. Natukoy din ang katapusan ng linggo bilang araw na mababa ang demand sa koryente kaya’t mainam na sa mga araw na ito itakda ang pagpaplantsa ng mga damit. Suriin ding mabuti ang mga damit na binabalak plantsahin dahil maaaring ang ilan sa mga ito ay hindi na kailangan ng pagpaplantsa.
AIRCON. Ang aircon ang isa sa pinakamalakas kung konsumo sa koryente ang paguusapan. Tinatayang maaaring nasa 40% hanggang 50% ang kontribusyon nito sa kabuuang konsumo sa koryente. Napakahalaga ng pagpili ng tamang uri ng aircon na naaangkop sa laki ng kwartong paglalagyan nito. Upang makatipid din sa konsumo ng aircon, i-set ang thermostat nito sa 24 o 25 degrees Celsius. Ayon sa pagsusuri ng Meralco Power Lab, kapag ginamit ng walong oras ang 1.0 hp window-type na aircon na may thermostat na 25 degrees Celsius, maaaring makatipid ng humigit kumulang P991 kada buwan kumpara kung ito ay gumagamit ng thermostat na 18 degrees Celsius. Ugaliin din ang regular na paglilinis ng aircon at ang pagpapalit ng filter dahil aabot ng P334 kada buwan ang matitipid kung mapapanatiling malinis ang filter ng mga aircon. Mas matipid din sa konsumo kung inverter technology na aircon ang gagamitin.
Ilan lamang ito sa mga tip na maaaring sundin ng mga konsyumer upang hindi masyadong maapektuhan kung sakaling tumaas ang singil sa mga susunod na buwan. Tumaas man o bumaba ang presyo ng koryente, nakasalalay pa rin sa konsyumer ang pagkontrol ng kanilang konsumo. Kung uugaliin ang masinop at matalinong paggamit ng koryente, maaaring makontrol ang konsumo nang naaayon sa badyet ng pamilya.
Para sa kumpletong listahan ng mga tip at iba pang impormasyon, maaaring bumisita sa opisyal na website ng Meralco sa www.meralco.com.ph.