SA pinakahuling ulat na inilabas ng Meralco sa kanilang puspusang pagbabalik ng koryente sa kanilangcustomers dulot ng hagupit ni bagyong Ulysses, .55% na lamang ang walang koryente sa kanilang mga kabahayan. Ito ay mula sa mahigit na 3 million customers na nawalan ng koryente noong kasagsagan ng bagyo sa nakaraang linggo. Saludo ako sa inyo Meralco. Kaya kung may mga bumabatikos pa sa pagsisikap ng Meralco upang maibalik ang mga naapektuhan nilang customers ng brownout nitong mga nakaraang araw, malamang ay parang mga kabayo ito ng kalesa na may takip sa tagiliran ng kanilang mata.
Karugtong nitong paksa sa ginagawang tulong ng Meralco na maibalik ang koryente sa kanilang mga komunidad, hindi lamang ito limitado sa kanilang prangkisa. Adbokasiya kasi ng Meralco ay makatulong sa ating bayan sa ano mang pamamaraan na makatulong na makapagbigay ng liwanag sa kanilang mga tahanan.
Tulad na lamang sa Catanduanes, kung saan direktang tumama ang Super Typhoon “Rolly” kamakailan. Nagdala ito ng mahigit na 220kph na malakas na hangin at mga pabugsong hangin na umabot sa 315kph. Matindi ang pinsalang idinulot ng nasabing bagyo. Kung ating makikita sa mga larawan matapos dumaan ang Bagyong Rolly, nagmistulang plastado ang Catanduanes. Natumba ang lahat ng poste ng koryente maliban pa sa mga puno at mga ibang bubungan ng mga kabahayan at gusali.
Ang Meralco pala ay nagpadala ng koponan ng mga line crew at equipment upang tumulong sa agarang pagsasaayos ng mga impraestruktura sa Catanduanes at mabilis na pagbabalik ng koryente sa kanilang lugar.
Nagpadala ng 48 katao na binubuo ng mga bihasang mga linemen at beteranong mga enhinyero. Kasama pa rito ay mga volunteer mula sa kanilang One Meralco Foundation (OMF). Sumali sila sa kampanya ng ating pamahalaan na tinawag na Power Restoration Rapid Deployment (PRRD)-Task Force 2020. Ang grupong ito ay may koordinasyon sa Department of Energy (DOE), National Electrification Administration (NEA), Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc. (Philreca), at ang Electric Cooperatives in Catanduanes.
Tinahak ng koponan ng Meralco ang matinding biyahe mula Metro Manila papunta sa isla ng Catanduanes. Inabot sila ng mahigit na isang araw sa pamamagitan ng mga panlupang sasakyan. Halos wala silang pahinga pagdating sa Virac na siyang kapitolyo ng Catanduanes at agarang nagsimulang gumawa ng plano upang maitayo muli ang mga natumbang poste at pag-tulong sa pagbabalik ng koryente. Hindi biro po ito. Talagang nagtrabaho ang mga tauhan ng Meralco at mga volunteer ng OMF nang magdamagan upang maibalik ang koryente sa lugar.
17 sasakyan panglupa ang dala-dala ng Meralco patungo sa Catanduanes. Ito ay ang augers na tutulong upang bumutas ng lupa upang maitayo ang mga poste ng koryente; AUVs/SUVs, basket trucks na mag-tataas ng mga lineman upang maabot ang mga matataas na lugar sa poste; pick-ups, at stake trucks. Ito ay mga malalaking trak para sa lagayan ng mga malalaking puno na bumagsak. Malaki ang pasasalamat ng lalawigan ng Catanduanes sa Meralco.
Comments are closed.