TULONG NG PUBLIKO SA FIELD VALIDATION PARA SA NATIONAL MANGROVE MAP HINILING

NANAWAGAN  ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko na maging aktibo sa rehabilitation at conservation ng mga mangrove forests ng bansa sa pamamagitan ng pagtulong na ma-validate ang mapa ng mga ito na nakikita lamang ng gobyerno ang data mula sa satellite.

Sinabi ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na malaki ang papel na gagampanan ng publiko upang ma-validate ang national mangrove map na isinasasagawa ng DENR at Philippine Space Agency (PhilSa) gamit lamang ang satellite data.

Upang maberipika umano ang pagiging accurate at reliability ng data na gamit lamang ang satellite nangangailangan ito ng pag-validate sa pamamagitan ng “on the ground data”.

Target ng DENR matapos ang field validation ng national mangrove map sa June 2024.

Kabilang sa proseso ay ang pagbisita sa 600 na lugar na nakita sa satellite data na kokolektahin mula sa 30,000 validation points sa buong kapuluan.Subalit aminado si Yulo-Loyzaga na wala pa sa 5 porsiyento ng target submissions ang naisasagawa ng DENR, kaya aniya kinakailangan na nila ang tulong ng publiko.

“Amid the climate emergency and destruction of mangroves, everyone has the ability to make a difference by tracking and protecting our natural resources,” sabi ni Yulo-Loyzaga.

Lubhang mahalaga aniya ang mangroves sa nararanasang climate change ng mundo sapagkat sila ang nagsisilbing natural barriers sa masamang panahon bukod sa ito ang nag aabsorb ng carbon na humihilom sa planeta.Ang mangroves din ang nagsisilbing nursery habitat ng marine species at tumutulong sa pag- aayos ng kalidad ng katubigan sa paligid nito, paliwanag ng kalihim.

Panawagan niya na maaaring bumisita ang pribado at pampublikong sektor sa mga coastal villages upang maberipika kung may mga mangrove sa mga lugar na ito o wala. Maaari aniyang gamitin ang application ODK Collect sa Google Play Store para sa proseso ng data collection tungkol dito sabi ni Yulo-Loyzaga.

Ayon sa kalihim ng DENR may pre-identified na mga barangay ang PhilSa kung saan ito ay nagsusuhestyon ng 50 mangrove at 50 non-mangrove data points sa mga village na matatagpuan dito.Maaari rin aniya tanggapin ng DENR ang data na makokolekta sa mga barangay na isinusuhestyon ng PhilSa.

Ang data collection sa mga barangay na hindi naisama sa natukoy ng PhilSA ay pwede rin tanggapin ng DENR basta may 10-metrong minimum na pagitan sa mga ito.

Ang mga may drone images ng mangroves gamit ang naturang app ay pwede rin.

“Validating the national mangrove map is crucial for quantifying and understanding the true value of the Philippines’ natural resources,”ani Yulo-Loyzaga.

Kamakailan lamang ay ipinag utos ng DENR ang assessment sa mga abandonado, undeveloped, at underutilized (AUU) fishponds sa Bicol region, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula upang matukoy ang mga potensyal na lugar na maaari sa mangrove restoration.

Mahigit kalahati sa extensive mangrove ecosystems ng Pilipinas na tinatantyang umaabot sa 450,000 ektarya ng 1918, ay nawala anya dahil sa na-convert ang mga ito bilang fishpond conversion at iba pang coastal development projects. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia