Tulong-pangkabuhayan, emergency employment na nagkakahalaga ng mahigit Php12M iginawad sa Ormoc

MAHIGIT t 2,000 manggagawa mula sa Ormoc City ang nakinabang mula sa Php12.14 milyong halaga na tulong-pangkabuhayan at emergency employment ang iginawad kamakailan ng Department of Labor and Employment.

Personal na pinangunahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pagbibigay ng pondong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng Php3 milyon para sa pagbili ng bangkang de-motor at gamit pangingisda ng 100 benepisyaryo.

Iginawad din ang Php2.88 milyon tulong pangkabuhayan para sa proyektong Negokart ng 96 benepisyaryo.

“Layunin ng pamahalaan na makatanggap ng supportang pangkabuhayan ang mga impormal na manggagawa, sa panahon man ng krisis o hindi, upang bumuti hindi lamang ang kanilang personal na buhay kundi maging ng kanilang komunidad.

Ikinararangal namin na mabigyan ng pagkakataon na makatulong at makatugon sa kanilang panawagang tulong,” pahayag ni Bello.

Sa kanyang pagbisita sa Ormoc, pinangunahan din ng kalihim ang pamimigay ng sahod sa 1,849 na impormal na manggagawa sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o programang TUPAD ng kagawaran. Ito ay isang community-based package na nagbibigay ng emergency employment para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, underemployed at seasonal na manggagawa, sa loob ng minimum na 10 araw.

Ang kabuuang bayad ay umabot sa mahigit Php6 milyon kung saan ang bawat manggagawa ay tumanggap ng Php3,250.00 para sa 10-araw na trabaho.“Tinitiyak ko sa inyo na ang mga programa ng DOLE ay patuloy na tutulong sa ating mga nangangailangang manggagawa, tuloy-tuloy lang po ang ating serbisyong TUPAD,” dagdag ni Bello.

Samantala, may 34 na overseas Filipino workers (OFWs) at OFW-dependents ang nakatanggap din ng tulong-pangkabuhayan na nagkakahalaga ng Php255,000.00 sa ilalim ng mga programa ng OWWA tulad ng Tulong Puso, Balik Pinas Balik Hanapbuhay at Educational Livelihood Assistance Program.